MPBL: BUENA MANO SA NUEVA ECIJA

NALUSUTAN ng triple-offense ng Nueva Ecija frontcourt ang paghahabol ng Sarangani sa krusyal na sandali tungo sa 99-92 panalo sa Pool C elimination round ng 2021 Chooks-to-Go Maharlika Pilipinas Basketball League Invitational nitong Linggo sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nagsalansan ng kabuuang 46 puntos sina Michael Mabulac, JP Sarao, at Byron Villaries para suhayan ang Rice Vanguards sa mainit na ratsada ng karibal sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa liga na ganap nang professional matapos bigyan ng sanction ng Games and Amusements Board (GAB).

Sa kabila nito, dismayado si head coach Carlo Tan sa naging sitwasyon ng Nueva Ecija Rice Vanguards.

“I feel the players played not so good in general but offensively, we were really good,” pahayag ni Tan. “There are some things that we need to clean up defensively.”x

“We really had 10 days to work with this team. It’s still a work in progress,” aniya, patungkol sa naitalang 47 percent shooting ng Sarangani.

Nanguna si Mabulac sa Nueva Ecija na may 17puntos at 6 rebounds, habang kumana si Sarao ng 15 puntos at tumipa si Villaries ng 14 puntos, tampok ang apat na three-pointer.

Kumasa si Macky Acosta sa Sarangani sa nakubrang 17 puntos, habang tumipa si Marvin Lee ng 15 puntos at nag-ambag sina Paul Sanga at Gabby Espinas ng 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Kapwa nakaisa ang Nueva Ecija at San Juan-Go for Gold AICC sa kanilang grupo, habang kabiguan ang panimula ng Sarangani at Val City-MJAS Zenith. Susunod na haharapin ng Nueva Ecija ang Val City sa Huwebes, habang masusubok ang Sarangani sa San Juan sa Lunes.

Sa opening day nitong Sabado, magandang buena mano sa Basilan ang 70-65 panalo komtra Bicol. Hataw si Michael Juico sa naiskor na 24 puntos.

Sinimulan din ng Imus-Buracai De Laiya ang kampanya sa impresibong 75-65 panalo laban sa Bulacan; habang naisalpak ni JK Casiño ang krusyal na baskets para sandigan ang Bacolod laban sa Bacoor City, 73-71.

Ginapi ng San Juan, sa pangunguna ni Orlan Wamar, ang  Val City-MJAS Zenith, 97-64; at nagwagi ang Iloilo laban sa Negros, 83-77.  EDWIN ROLLON

Iskor:

Nueva Ecija (99)  – Mabulac 17, Sarao 15, Villarias 14, Gutang 10, Bitoon 10, Gozum 8, Sumang 8, Palma 8, Dario 6, Balucanag 3, Belgica 0.

Sarangani (92) – Acosta 17, Lee, 15, Sanga 13, Espinas 11, Sarangay 9, Marilao 8, Munsayac 7, Basibas 4, Monteclaro 3, Bautista 3, Ludovice 2, Sta. Ana 0.

QS: 22-13, 49-38, 75-65, 99-92.