BATANGAS – Rumesbak ang fourth ranked Batangas City-Tanduay at inapula ang late rally ng fifth-seeded Zamboanga Family’s Brand Sardines upang maitakas ang 84-75 panalo at humirit ng Game 3 sa 2019-20 Chooks-to-Go/MPBL Lakan Season South quarterfinals sa Batangas State University noong Biyernes ng gabi.
Nahaharap sa 18-point deficit papasok sa fourth frame, nagsanib-puwersa ang Zamboanga quintet nina Alvin Pasaol, Robin Roño, Santi Santillan, at Raffy Reyes upang tapyasin ang malaking kalamangan ng Batangas sa pitong puntos lamang, may 29 segundo ang nalalabi.
Subalit nakahugot ng foul si Jeff Viernes kay Roño at naipasok ang dalawang free throws upang muling makalayo ang Zamboanga.
“Zamboanga is a strong team, babalik at babalik at babalik ‘yan. So suwerte kami na na-sustain namin ‘yung [lead],” pahayag ni Batangas head coach Woody Co.
Nanguna si Jhaymo Eguilos para sa Batangas na may 17 points, 11 rebounds, 3 assists, at 2 blocked shots.
Nag-ambag si Jason Melano ng 14 points at 8 rebounds habang tumipa si Moncrief Rogado ng 12 points sa 4-of-8 shooting mula sa field.
Nagbuhos si Adrian Santos ng 11 points, 9 rebounds, 3 assists, at isang block mula sa bench para sa Athletics.
Muling hindi nakasama ng Batangas sina Gilas pool members Rey Suerte at Jaydee Tungcab.
Nagbida naman para sa Zamboanga si Santi Santillan na may 23 points and 11 rebounds habang nagdagdag si Roño ng 20 points sa 7-of-16 shoot-ing.
Ang win-or-go-home Game 3 ay nakatakda sa Huwebes, February 27, sa Davao.
Iskor:
Batangas City-Athletics (84) – Eguilos 17, Melano 14, Rogado 12, Santos 11, Viernes 8, Koga 5, Teodoro 5, Bragais 4, Lopez 3, Sara 3, Grimaldo 2.
Zamboanga-Family’s Brand Sardines (75) – Santillan 23, Rono 20, Pasaol 14, Manzo 7, Bonsubre 4, Reyes 2, Thiele 2, Villamor 2, Black 1, Arboleda 0, Asistio 0, De Vera 0.
QS: 18-23, 39-33, 62-44, 84-75.