MPBL: DAVAO OCCIDENTAL MINASAKER ANG MAKATI

MPBL Davao

NAIPOSTE ng Davao Occidental-Coco Life ang ika-5 sunod na panalo makaraang tambakan ang Makati-Super Crunch, 79-54, sa 2019-20 Chooks-to-Go/MPBL Lakan Cup sa San Andres Sports Complex kahapon.

Sumandal ang Tigers sa mainit na 29-point second quarter upang tuluyang makontrol ang laro, kung saan umabante ang koponan ng hanggang 18 points, 46-28, papasok sa second half.

Ipinagpatuloy ng Davao Occidental  ang pananalasa sa second half, itinarak ang pinakamalaking bentahe sa laro sa 27 matapos ang pares ng free throws mula kay Jerwin Gaco sa pagsisimula ng fourth quarter. Hindi na lumingon pa ang  Tigers tungo sa magaan na pagkopo ng ika-21 panalo.

“I’m surprised we played this well. For our team, coming into this game, our main focus was… we had a long break, we usually don’t play well from a long break and we practiced well but I told the guys to focus on team basketball,” wika ni Davao head coach Don Dulay.

Pinangunahan nina Kenneth Mocon at Yvan Ludovice ang ba­lanseng offensive attack na may tig-13 points para sa Davao Occidental, na uma­ngat sa 21-3 at napatatag ang kapit sa liderato sa Southern Division.

Tumipa si Billy Robles ng 10 points, 5 rebounds, at 3 blocked shots habang tumapos sina Chester Saldua, James Forrester, at Marco Balagtas na may tig-7 markers.

Bumagsak ang Super Crunch-backed squad  sa 20-6 record, subalit nanatili sa third spot sa Northern Division.

Iskor:

Davao Occidental-Cocolife (79) – Mocon 13, Ludovice 13, Robles 10, Saldua 7, Forrester 7, Balagtas 7, Bonleon 5, Raymundo 4, Gaco 4, Yee 3, Calo 3, Albo 3,

Makati-Super Crunch – (54) – Baloria 17, Sedurifa 13, Torralba 7, Ablaza 5, Importante 4, Manlangit 3, Villanueva 3, Apinan 2, Cruz 0

QS: 17-10, 46-28, 73-48, 79-54