UMARANGKADA sa unang sigwa ang Nueva Ecija at hindi na nagpatumpik-tumpik sa krusyal na sandali para masawata ang pagtatangkang makabawi ng Iloilo at selyuhan ang 84-67 panalo upang kumpletuhin ang semifinal cast sa Chooks-to-Go Maharlika Pilipinas Basketball League Invitational nitong Miyerkoles sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City,
Umabante ang Rice Vanguards sa pinakamalaking 18 puntos na bentahe, 68-50, sa ikatlong yugto ng laro at nagpakatatag sa bawat responde ng karibal para mapreserba ang bentahe tungo sa impresibong resulta na nagdala sa kanila sa Final Four ng torneo na may basbas ng Games and Amusements Board (GAB).
“Overall from the start the team has been very enthusiastic,” pahayag ni Nueva Ecija head coach Carlo Tan. “There’s a good mix of veteran and youth in the team like Justin [Gutang] and Will [Gozum] and players like Mike [Mabulac] and gives you that stability in the team.
“The players are happy, the bosses are happy, so the players are happy again because the bosses are happy,” aniya.
Nanguna si Michael Mabulac sa Rice Vanguards sa naiskor na game-high 17 points at 11 rebounds, habang kumana si Byron Villarias ng 16 puntos at walong boards. Nag-ambag sina Paul Sarao ng 10 puntos at Chris Bitoon ng 6 puntos, 9 assists, at 7 rebounds.
Napatawan naman ng suspensiyon si Nueva Ecija guard Ael Banal nang mapatalsik sa laro bunsod ng unsportsmanlike foul. Inaapela ng Rice Vanguards sa Commissioners Office ang desisyon.
Kumubra naman si Levi Hernandez ng 26 puntos para sa Iloilo.
Makakaharap ng Nueva Ecija ang Imus-Buracai de Laiya sa semifinals. EDWIN ROLLON
Iskor:
Nueva Ecija (84) – Mabulac 17, Villarias 16, Sarao 10, Gozum 9, Palma 9, Dario 6, Sumang 6, Bitoon 6, Gutang 3, Banal 2, Balucanag 0.
Iloilo (67) – Hernandez 26, Jaime 9, Gumaru 6, Vito 5, Inigo 4, David 4, Mahari 4, Jeruta 3, Racho 3, Taywan 3, Javelosa 0, Maguliano 0.
QS: 20-16, 43-32, 70-56, 84-67