MPBL: ZAMBOANGA NAKAUNA SA BATANGAS

MPBL ZAMBOANGA 

DAVAO CITY – Naitakas ng fifth seed Zamboanga Family’s Brand Sardines ang 78-74 panalo laban sa fourth-seeded Batangas-Tanduay upang kunin ang Game 1 ng  2019-20 Chooks-to-Go MPBL Lakan Cup best-of-three quarterfinals noong Lunes ng gabi sa Rizal Memorial Colleges Gym dito.

Nanguna si Davaoeño Alvin Pasaol para sa Zamboanga na may 17 points, 5  rebounds, 2 steals, 1 block, at 1 assist.

Sa harap ng nagtsi-cheer na crowd dahil kay Pasaol, umabante ang Zamboanga sa 42-32 sa kaagahan ng third canto.

Naghahabol sa 76-67, may 3:37 ang nalalabi sa laro, naglunsad ang  Athletics ng rally sa pag-iskor ng anim na sunod na puntos, tampok ang dalawang freebies ni Jeff Viernes, may 28.8  segundo sa orasan, upang tapyasin ang kalamangan sa tatlo na lamang, 76-73.

Sa kabilang dulo ay naagaw ni Jayson Grimaldo ang inbound ni Pasaol at sa pag-aagawan ng bola ay na-foul si Viernes ni Anton Asistio.

Gayunman ay na-split ni Viernes ang kanyang charities, may 15.3 segundo ang nalalabi, 76-74, bago na-foul si Robin Roño.

Kalmadong isinalpak ni Roño ang dalawang free throws bago nagmintis si  Viernes sa dalawang triple attempts upang tapusin ang laro.

“We need to stay composed kasi playoffs na ito. Good thing we stuck on our defensive plan in the end. We made stops, we controlled the rebounds and hit the crucial free throws,” wika ni head coach Britt Reroma.

Nagdagdag si Roño ng 13 markers at 8 rebounds, habang nagsalansan si Aaron Black ng 11 points, 4 boards, at 3 dimes. Nakalikom si Harold Arboleda ng 10 markers at 7 rebounds.

Nanguna si Viernes para sa Athletics na may 18 points, 6 rebounds, at 5  five assists habang nag-ambag si Jhaymo Eguilos ng 16 markers at 9 boards.

Sisikapin ng Family’s Brand Sardines-backed squad ang serye sa Pebrero  21, Biyernes, sa home turf ng katunggali sa Batangas City Coliseum.

Iskor:

Zamboanga-Family’s Brand Sardines (78) – Pasaol 17, Roño 13, Black 11, Arboleda 10, Santillan 7, Asistio 7, Bonsubre 4, De Vera 3, Villamor 3, Thiele 3, Manzo 0, Reyes 0.

Batangas-Tanduay (74) – Viernes 18, Eguilos 16, Santos 11, Melano 10, Bragais 9, Teodoro 5, Grimaldo 4, Koga 1, Basibas 0, Rogado 0, Lopez 0.

QS: 22-25, 40-32, 57-54, 78-74.

Comments are closed.