PERSONAL na nag-inspeksyon si Manila Police District Director P/Brig. Leo Francisco sa mga pampublikong sementeryo sa Maynila kahapon.
Partikular na inikutan ni Francisco at ilang opisyal ang Manila North Cemetery (MNC) para sa mga nagtatangka pa ring makapasok sa kabila ng pagsasara ng mga sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Ayon kay Francisco, tuloy-tuloy pa rin ang pagbabantay ng pulisya sa mga sementeryo sa Maynila hangang sa susunod na linggo.
Dagdag pa ni Francisco na ilalatag din nila ang seguridad na ipatutupad sa susunod na Sabado at Linggo dahil sa posibleng pagdagsa ng mga bibisita sa kani-kanilang yumaong mahal sa buhay.
Sa tantiya ni Francisco, umabot lamang sa 40,000 ang pumasok sa MNC nitong nagdaang linggo at wala naman naitalang hindi magandang insidente.
Partikular din na binabantayan ngayon ng mga pulis at ng force multipliers ang mga inilalagay na ‘hagdan’ sa loob ng sementeryo bilang tawiran o lusutan ng mga nagtatangkang makapasok sa sementeryo.
Nagpaalala rin si Francisco sa publiko na sundin ang patakaran na inilatag ng Department of Health (DOH) at nang Inter-Agency Task Force o IATF.