MPTC TUTULONG SA PAGBANGON NG ATING EKONOMIYA

Magkape Muna Tayo Ulit

ANG  Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) ay nakatuon upang gumanap ng malaking bahagi sa pagbangon ng ekonomiya ng ating bansa sa pamamagitan ng puspusang konstruksiyon ng NLEX Harbor Link sa may C3 at R10. Ang nasabing daan ay malaking tulong sa mga cargo truck na pumupunta sa North Harbor sa Navotas City na hindi na maaantala sa mabigat na trapik sa kanilang dating ruta. Ang ibig sabihin nito ay mas mapadadali ang pagdadala ng mga produkto sa mga karatig na lalawigan.

May kahabaan ito na 2.6 kilometro. Bagama’t hindi gaanong kahabaan ang nasabing daan, malaki pa rin ang matitipid na oras sa biyahe ng mga cargo truck imbes na dumadaan sila sa dating ruta ng EDSA at Balintawak Toll Plaza na mahigit dalawang oras ang nasasayang dulot ng trapik. Ayon kay DPWH Sec. Mark Villar,  bibilis ang biyahe ng mga cargo truck sa loob ng 10 minuto lamang palabas ng NLEX.

Ayon kay MPTC chairman Manuel Pangilinan, mahalaga sa kanila na maging kasapi sa economic recovery program ng ating bansa matapos na tamaan tayo ng pandemyang COVID-19. Tatlong buwan din na tumigil ang kalakaran at negosyo sa ating bansa.

Dagdag pa ni Pangilinan, dahil nagluwag na ang ating pamahalaan sa pagsimula muli ng konstruksiyon sa ating bansa, asahan na puspusan nilang tatapusin ang mga malalaking proyektong pang-imprastraktura sa mga susunod na buwan bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte. Ito ay bahagi ng kanyang programang ‘Build, Build, Build’.

Ang  nasabing malalaking proyektong imprastraktura ay mahalaga dahil nagbibigay empleyo at hanapbuhay ito sa maraming mga kababayan natin. May multiplier effect din ito dahil uusbong din ang mga small and medium ng mga negosyo na kaagapay sa nasabing malalaking proyekto.

Bukod kasi sa pagbubukas ng NLEX Harbor Link, ang MPTC ay may  iba pang malalaking proyekto na kasalukuyang gina-gawa. Ang mga ito ay ang NLEX interconnector road, Cavite-Laguna Expressway (CALAEX), Subic Freeport Expressway expan-sion project at ang pagpapatibay ng Candaba Viaduct sa NLEX.

Bagama’t patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19, kailangan talagang bumangon na tayo at umpisahan muli ang pag-ikot ng ating ekonomiya. Ang mga industriya ay nalugi nang malaki dulot ng ECQ sa mahigit na tatlong buwan. Marami ang bumabatikos sa umano’y paghawak ng ating pamahalaan laban sa COVID-19.

Maaaring may punto ang  ilan. Subalit dapat ay isipin din natin na ang nasabing sakit ay bumulaga hindi lamang sa Filipinas kung hindi sa buong mundo. Hindi tayo handa sa pagpasok ng COVID-19. Ang iba’t ibang bansa ay may kanya-kanyang diskarte. Maraming mas mauunlad na bansa ang pinadapa ng COVID-19.

Hindi ngayon ang panahon ng sisihan. Dapat ay magtulungan tayo. Walang mangayari kung puros ba-tikos tayo ngunit wala namang gustong magsakripisyo. Magkusa  tayo na mas maging maingat sa paglabas. Ipagpatuloy natin ang maghanapbuhay. Subalit isipin pa rin ang banta ng COVID-19. Magsuot ng face mask. Huwag pumunta sa mga matataong lugar. Panatilihin ang magandang kalusugan. Palaging maghugas ng kamay. Ito ang mga sandata natin sa kasaluku­yan habang naghahanap pa ng gamot la-ban sa COVID-19.

Comments are closed.