AMINADO ang MRT-3 na mababawasan ang kita nila sa kautusan ng Department of Transportation (DOTr) na ilibre ng sakay ang mga estudyante.
Sa panayam ng DWIZ882, sinabi ni Engr. Mike Capati, MRT-3 director for operations, ito ang isa sa mga dahilan kaya may piling oras lamang ang pagpapatupad ng libreng sakay sa mga estudyante.
Bukod dito, ayaw nilang mapasabak ang mga estudyante sa dagsa ng mga pasahero sa peak hours, kaya’t libre ang sakay sa mga ito mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-6:00 ng umaga at alas-3:00 ng hapon hanggang alas-4:30 ng hapon.
“Alam niyo ‘yung peak hours natin, kung gagawin natin, maiipit po ang mga estudyante d’yan, e. Kung maraming pasahero, etc. Isa rin sa mga nakita naming konsiderasyon ‘yan, kung ilalagay natin sila doon sa off peak hours, at malilibre, may maganda silang insentive… kahit konti makakabawas ‘yan sa tinatawag natin na volume sa peak hours. And at the same time magandang insentive. Ngayon, doon naman sa finances, alam naman natin na medyo malaki rin ang mababawas sa income natin kaya baba-lansehin natin ‘yan,” dagdag ni Capati.
Gayunman, binigyang diin nito na mananaig pa rin ang kanilang social responsibility sa pamamagitan ng pagkakasa ng libreng sakay para sa mga estudyante.
“Ayan po ‘yung isa sa mga pinag-aaralan natin, ‘yung ating tinatawag na social responsibility. Ayon po din sa panuntunan ng ating butihing secretary, isa ito sa mga initiative na ginagawa natin para ba makatulong tayo nang direkta sa ating mga kababayan,” dagdag ni Capati.
Samantala, pinaghahandaan na ng Philippine National Railways (PNR) ang pagdagsa ng mas marami pang mga commuter na pawang mga estudyante dahil sa libreng sakay.
Sinabi ni PNR Spokesman Joseline Geronimo, libreng makakasakay sa kanilang mga tren ang mga mag-aaral sa mga itinakdang oras.
Katulad ng MRT-3 ay may epekto rin sa kita ng PNR ang libreng sakay pero hindi naman umano masasaktan nang husto ang kanilang railway system.
Paliwanag ni Geronimo sa araw-araw na operasyon ng PNR, na ilan sa pinakamaraming bilang ng commuter nila ay mga es-tudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) at University of Santo Tomas (UST).
Kinumpirma pa ni Geronimo na sa buwan ng Hulyo ay darating ang isa hanggang dalawang bagong tren na kabilang sa siyam na bagong train sets na inaasahang makukompleto sa Disyembre.
Comments are closed.