MRT-3 MAY FREE RIDES MULA MARSO 28 HANGGANG ABRIL 30

ILANG linggo na lang, Semana Santa na.

Sa panahong ito, nagninilay-nilay ang marami.

Ngunit dahil sa trapik at iba pang abala sa kalsada sa pagbubukas muli ng ekonomiya, tila maaga ang penitensiya at pagsasakripisyo ng mga mananakay at motorista.

Hindi na bago sa ating pandinig ang mga aberya sa mga pampublikong sasakyan.

Ngayong nagbubukas na muli ang mga negosyo, balik sa dating nakagawian ang mga manggagawa na gumigising nang maaga para hindi maatrasado sa pinapasukang kompanya o pabrika.

Madalas kalbaryo ang sinusuong ng mga empleado at trabahador sa sasakyan nilang Metro Rail Transit-3 (MRT-3) at iba pang public transport patungo sa kanilang tanggapan at pabrika.

Kung minsan, nagugulantang sila sa pahayag ng mga taga-MRT o LRT na tigil muna ang biyahe.
Bunga raw ito ng aberya at kailangan nilang lumipat sa ibang tren.

Tuloy-tuloy naman daw ang pagkukumpuni at upgrade na ginagawa ng Department of Transportation (DOTr) sa mga tren ng MRT.

Kung dati’y kakaunti lang ang bumibiyahe, dinagdagan na raw ito ngayon.

Bumibilis na raw ang biyahe ng mga mananakay.

Aba’y bihira na rin daw ang aberya.

Dalawampu’t isang taon na ang rail line na ito.

At maganda naman daw ang ikinasang rehabilitasyon ng DOTr dito.

Katunayan, tapos na nga raw ang rehab efforts sa MRT.

Maagang nakumpleto ang proyekto.

Talagang nakabibilib ang naging resulta ng partnership ng DOTr, Sumitomo Corporation, Mitsubishi Heavy Industries, at Test Philippines Inc.

Inaasahang mas magiging mabilis at mas ligtas daw ang biyahe ng publiko.

Tuwang-tuwa si Pangulong Rodrigo Duterte nang makita ang improvement sa serbisyo ng MRT.

Kaya simula sa susunod na linggo, Marso 28 hanggang Abril 30,2022, ay may handog itong libreng sakay para sa mga biyahero.

Labis ang pasasalamat ng Presidente sa Japanese government na isa sa mga naging daan upang maisakatuparan ang proyekto.

Mantakin ninyo, mula sa 25 kilometers [km] per hour ay bumilis na raw ang biyahe ng MRT sa 60kph.

Maging ang time interval sa pagitan ng train arrivals ay umangat ng 10 minuto mula sa dating walong minuto lamang.

Dati raw pala ay 12 hanggang 15 lang din ang mga tumatakbong tren ng rail line pero nasa 18 hanggang 22 operating trains na ito ngayon.

Sa pamamagitan nito, maiibsan ang unloading incidents na dating nangyayari sa mga istasyon na malaking abala sa mga pasahero.

Kasama rin sa proyekto ang pagbabalik ng operasyon ng elevators at escalators ng MRT stations.

Saklaw din nito ang pag-upgrade ng signaling, communications, CCTV systems, at pagkakabit ng air conditioning units sa loob ng mg tren.

Aminado ang Pangulong Duterte na kung hindi dahil sa technical competencies at professional aid ng mga kinuhang service providers ay hindi maibabalik ang train system sa dati nitong hybrid design condition.

Noong mga nakaraang taon, itinuturing bilang pangunahing sakit ng ulo ng gobyerno ang transportasyon para sa masa.

Bunsod naman ng libreng sakay na handog ng MRT, masusubukan kung makakapagsilbi na ito nang maayos sa riding public.

Makikita rito kung hindi na dadanas ng tila penitensiya ang mga commuter.

Sana’y mangyari ang mga inaasahan natin dulot ng rehabilitasyon dito para naman maranasan ng publiko ang maginhawang pagbibiyahe na noon ay halos araw-araw nagkakaroon ng aberya.

At nawa’y tapos na nga ang kalbaryo at wala na ang mga sandaling ang bawat pasahero ay umuusal ng dalangin na huwag masira ang sinasakyan nilang tren.