QUEZON CITY – NAGPALIWANAG ang pamunuan ng Metro Rail Transit line-3 (MRT-3) hinggil sa over staying fee isyu kasunod ng reklamong ipinaskil ng isang commuter sa kanyang social media account matapos siyang singilin dahil sa overstaying sa loob ng train facilities.
Kasabay nito, ay ipinag- utos ng MRT management na imbestigahan ang nasabing reklamo ng isang babae na nag-post na siningil siya ng dagdag na P28 matapos na hindi makasakay agad at hindi kaagad nakalabas ng facility sa loob ng dalawang oras.
Nabatid na sinisiyasat ng management kung bakit hindi nakasakay ng tren ang babae sa kabila ng pagkakaroon ng 10 regular at 2 skipping trains na tumigil sa Cubao station sa panahon na nasa loob siya ng sinasabing bayad na lugar
Nabatid na ang overstaying fee ay para lamang sa mga nanatili sa istasyon ng tren na lumampas ng dalawang oras.
Napag-alaman din na pinalawig pa ng MRT-3 ang itinakdang oras para magtagal ang mga commuter simula ngayong taon matapos na ipatupad ang maximum 2 hours staying period sa loob ng mga istasyon ng tren ng MRT-3 na mula sa 1 oras at 40 minuto noong 2012.
Ito umano ay standard railway operating procedure para sa seguridad ng mga pasahero.
Ayon sa post ng MRT commuter, pumasok siya sa Cubao Station ng 7:15 ng umaga at lumabas sa Buendia station ng 9:15.
Nahirapan umano siyang makasakay ng tren sa Cubao dahil sa dami ng tao sa loob ng tren kaya inabot siya ng dalawang oras bago makasakay at makarating sa kanyang destinasyon.
Dahil dito ay iniutos din na rebisahin ang CCTV recordings at iba pang impormasyong may kaugnayan sa operasyon ng tren mula sa MRT-3 Control Center. VERLIN RUIZ
Comments are closed.