MRT-3 PERSONNEL NAGPOSITIBO SA COVID-19 ANTIGEN TEST

MRT-3

ISASAILALIM ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa confirmatory RT-PCR testing ang mga personnel nito na una nang nagpositibo sa COVID-19 matapos na sumailalim sa antigen tests.

Ayon sa MRT-3, bilang precautionary measure dahil sa katatapos na holiday at pagtaas ng COVID-19 cases sa Metro Manila, ay inatasan nila ang kanilang mga empleyado, gayundin ang mga manggagawa ng kanilang maintenance provider at consultants, na sumailalim sa mandatory antigen testing.

Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na tiyaking ang lahat ng transport stakeholders, kabilang na ang mga pasahero at railway personnel, ay protektado laban sa COVID-19, at upang matiyak na hindi na kakalat ang virus sa mga tren, mga istasyon at mga depot.

Nabatid na ang unang batch ng antigen tests ay isinagawa noong Lunes, Enero 3, at sa kabuuang 696 MRT-3 personnel na sinuri, ay 99 ang nagpositibo sa virus.

Anang MRT-3, ang mga nagpositibo ay ni-require na sumailalim sa confirmatory RT-PCR tests.

Kailangan din umano ng mga ito na sumailalim sa mandatory quarantine, gayundin ang kanilang mga natukoy na direct contacts, hanggang sa muli silang masuri at makumpirmang negatibo sa virus.

Siniguro rin ng MRT-3 na ipagpapatuloy nila ang pagsasagawa ng antigen testing at confirmatory RT-PCR testing sa linggong ito hanggang sa lahat ng kanilang personnel ay masuri na.

Sinabi pa ng MRT-3 na ang unang inianunsyo na random antigen testing ng mga pumapayag at nagboboluntaryong pasahero ay magsisimula na rin ngayong linggong ito.

Samantala, ang physical reporting sa depot ay limitado sa 60%, alinsunod sa Alert Level 3 guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Tiniyak din ng MRT-3 Management na magpapatupad sila ng karagdagang health at safety protocols upang malimitahan pa ang interaksiyon sa pagitan ng mga stations personnel at mga pasahero.

Siniguro rin ng pamunuan ng MRT-3 sa publiko na ang mga necessary measures ay naoobserbahan para maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng lahat ng kanilang empleyado at mga pasahero. EVELYN GARCIA