MRT3 WALA NANG TIRIK

MRT-3-4

MAKAAASA ang mga commuter ng mas mahusay na serbisyo at pasilidad sa sandaling matapos ang rehabilitasyon ng Metro Rail Transit Line 3 na popondohan ng Japan, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

“Kapag natapos ang rehab na ito ay parang mayroon tayong brand new MRT3,” pahayag ni Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan.

Ang P18-billion loan agreement para sa rehabilitasyon at maintenance ng MRT3 ay nakatakdang lagdaan ng mga gobyerno ng Filipinas at Japan sa ­Nobyembre 7.

Ang kasunduan ay magbibigay-daan sa pagbabalik ng Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries, ang designer at builder ng railway system, bilang maintenance contractor ng MRT3.

Saklaw ng rehabilitas­yon ang trains, radio system, CCTV system,  signaling system, power supply system at public address system.

Inaasahan ding aayusin ng contractor ang rail tracks, road rail vehicles, depot equipment, elevators at escalators, at iba pang station-building equipment.

Sinabi pa ni Batan na sakop ng trabaho ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang ayusin ang lahat na kailangan ayusin sa MRT3 upang maibalik ang orihinal na disenyo at kondisyon nito.

“Covered ‘yun lahat gaya ng overhauling ng 72 na bagon, total reconditioned sa mga riles natin pati ‘yung power supply ia-upgrade, ‘yung signalling system at CCTV natin papalitan,” aniya.

Ipinaliwanag ng opis­yal na isa ‘yon sa dahilan kung bakit kinuha ang ­unang nagdisenyo at gumawa sa MRT3, na sa kasalukuyan ay maraming sira at dapat  ayusin.

Ang overall rehabilitation ng MRT3 ay inaasahang aabot ng  43 buwan – 31 buwan ng sabay-sabay na rehabilitation at maintenance works at 12 buwan na ‘defect liability period’ para sa contractor.

Comments are closed.