Ni CRIS GALIT
NAGSISILBING liwanag ng pag-asa sa lugmok na ekonomiya ang ating mga kababayang nasa sektor ng Micro, Small, Medium Enterprises (MSMEs).
Samu’t saring problema ang dumating sa pamilya ni Aling Marites, isang maybahay at may isang anak na lalaki na Grade 4 na ngayon sa pampublikong elementarya sa Maynila. Nang magsimula ang pandemya dulot ng COVID-19, nawalan din ng trabaho ang kaniyang mister na isang security guard dahil pansamantalang natigil ang operasyon ng kompanyang kaniyang pinapasukan.
Umaasa sila sa mga ayuda na nagmumula sa gobyerno at lokal na pamahalaan pero batid nilang mag-asawa na hindi ito sasapat lalo pa’t marami na ring mga bayaring bills tulad ng kuryente at tubig dagdag pa dito ang patuloy na paglobo ng ng utang sa tindahan at bayad sa upa na kanilang tinitirahan.
Gamit ang kaniyang Facebook account, nagsimula siyang mag-post ng mga binibentang gamit sa bahay, damit at kung anu-ano pa na pwedeng pagkakitaan online!
Sa umpisa, mangilan-ngilan lang ang umoorder sa kaniya hanggang sa magsimulang dumami ang bumibili sa kaniya, ang ibang kustomer naman, nagpapahanap sa kaniya ng mga gamit o kaya nagpapasabay ng order. Ang kaniyang mister naman ang nagsisilbing delivery rider gamit ang motorsiklo nito hindi pa tapos hulugan.
Dahil kasagsagan ng pandemya, maraming kustomer ang pinipiling sa online na lamang bumili ng mga gamit at isa si Aling Marites ang nakinabang sa ganitong sitwasyon sa tulong ng kaniyang pagsisikap at pagtitiyaga na makaraos sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Sa ngayon, ayaw man pabanggit ng kaniyang lehitimong online shop sa Facebook, na available din sa Lazada at Shopee, ay isa nang ganap na entrepreneur na mayroong “physical store” sa isang mall sa Binondo at nakatutulong din sa iba pang mga online seller / reseller na kumikita na rin.
Sa naitalang 957,620 na business enterprises na nag-ooperate sa bansa base sa 2020 List of Establishments ng Philippine Statistics Authority (PSA), 952,969 o 99.51% dito ay MSMEs habang 4,651 lamang ang bilang ng mga nasa malalaking kompanya o 0.49% lamang ng kabuuang bilang na nakatala.
Ang MSME rin ang may malaking kontribusyon sa pagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan na nakapagtala ng kabuuang bilang na 5,380,815 na trabaho o 62.66% sa kabuuang employment ng bansa.
Sa naturang datos, ipinakikita lamang ang malaking kontribusyon ng MSMEs sa katatagan ng ekonomiya ng bansa. Na malaki din ang pakinabang ng mga malalaking korporasyon dahil ang MSME rin ang nagsisilbing tulay nito para maihatid sa kanilang kustomer ang mga produkto at serbisyo.
Marami sa ating mga kababayan ang sadyang naapektuhan ng pandemya pero hindi ito dapat maging hadlang para panghinaan ng loob at sumuko. Lagi nating isipin na mas maraming oportunidad ang naghihintay kesa maghintay ng magandang kapalaran habang wala naman ginagawang aksiyon.
Maging matiyaga tayo at sumabay sa panahon. Madalas, kaya natin nararanasan ang dilim sa ating buhay ay para humanap tayo ng paraan para makakita ng liwanag. ‘Wag sana nating hayaan na lagi tayong nasa kadiliman.