LUNGSOD NG MALOLOS – Kinilala ang Joyful Garden Farm Organic Farmers Association, Inc. ng Bulacan bilang Top Seller sa pagbubukas ng “Likha ng Central Luzon 2018” sa Megatrade Hall 2, 5th Level Mega B sa SM Megamall, Lungsod ng Mandaluyong kamakalawa.
Nagmula ang nasabing micro, small, and medium enterprise sa bayan ng San Ildefonso na pinarangalan din noong 2016 bilang top seller kung saan ito ay kumita ng P3,966,423 at nag-uwi ng plake ng pagkilala.
Para sa taong 2017 na binigyang pagkilala ngayong 2018, kumita ang Joyful Garden Farm Organic Farmers Association, Inc. ng P5,931,700 at tumanggap ng plake ng pagkilala.
Kabilang sa kanilang mga dekalidad na produkto ang iba’t ibang klase ng healthy grains tulad ng brown, red, black, pink at blended rice.
Ginawaran din ng parangal ang Edelyn’s Homemade Nuts at Florida Lubao ONP Farmers Association ng lalawigan ng Pampanga bilang 2nd at 3rd Top Sellers na kumita ng P3,740,828 at
P3,064,248 ayon sa pagkakasunod-sunod.
Tampok din sa nasabing trade fair ang iba pang mga produkto tulad ng processed food, mga kagamitan sa bahay, ceramics, alahas, fashion accessories, bags, footwear, mga panregalo at Pamaskong dekorasyon mula sa anim na lalawigan ng Central Luzon kabilang ang Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales.
Ipinaabot naman ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang kanyang pasasalamat sa mga nag-organisa ng nasabing trade fair dahil sa patuloy na suportang ipinagkakaloob nito sa mga MSME sa Bulacan na nakatutulong upang makilala ang mga produktong Bulakenyo.
Ayon kay Philippine Exporters Confederation, Inc. (PHILEXPORT) 3 President Francis Joseph Torres, may 167 exhibitors ang nakiisa sa trade fair kumpara sa 151 exhibitors na lumahok noong nakaraang taon.
Samantala, sinabi ng panauhing tagapagsalita na si Department of Trade and Industry Asec. Demphna Dunaga na layunin ng trade fair na ipakilala ang mga dekalidad na produkto ng Central Luzon sa buong bansa maging sa buong mundo.
Kabilang sa iba pang mga dumalo sina Department of Trade and Industry (DTI) Provincial Director Zorina Aldana, Angeles City, Pampanga Mayor at Regional Development Council 3 Chairman Edgardo Pamintuan, Tarlac Governor at Central Luzon Growth Corridor Foundation Inc. President Susan Yap, DTI Regional Director Judith Angeles at marami pang iba. A. BORLONGAN
Comments are closed.