KAMAKAILAN ay pinangunahan ng ating tanggapan ang isang consultative meeting na nakatuon sa kapakanan ng micro, small and medium enterprises o MSMEs. May kinalaman ito sa ating isinusulong na adbokasiya — ang Tatak Pinoy.
Dinaluhan ang ating pagpupulong nina dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, MSME mentors at small business proprietors.
Layunin natin sa pulong na iyon na mapag-isa ang mga rekomendasyon kung paanong makatutulong sa MSMEs ang Go Negosyo Act o ang Republic Act 10644 na halos 10 taon na mula nang maisabatas.
Napapanahon ang pagpupulong na ito dahil isa ang MSMEs sa mga talaga namang pinadapa ng pandemya sa loob ng mahigit dalawang taon. Marami sa kanila, kung hindi man tuluyang nagtigil-operasyon ay nagbawas ng tao at ang iba, hirap na hirap kumita noong kasagsagan ng pandemya.
Pero, alam n’yo naman tayong mga Pinoy — tayo na yata ‘yung pinaka-kahulugan ng salitang “do or die” — laban kung laban kahit hirap na hirap.
Hindi tayo sumusuko basta-basta. Kaya itong MSMEs natin, kahit ramdam na nila ang pagkalugi, o kawalang-kita, marami pa rin sa kanila ang nagpatuloy dahil sa kagustuhang makapagbigay ng trabaho sa kapwa.
Malaki ang papel ng MSMEs sa pagpapalakas ng ekonomiya. Halos 100 porsiyento ng mga negosyo rito, nakapag-contribute ng 63 percent sa workforce ng bansa.
Sa aming pagpupulong, sinabi ni dating secretary Joey Concepcion na tatlong bagay ang mahalaga para mas mapalakas ang Go Negosyo Act — mentorship, pera at ang merkado.
Bagaman masigla ngayon ang mentorship component sa iba’t ibang programa ng gobyerno sa loob ng maraming taon, mas may ilalakas pa ito kung mas bibigyang pansin ang entrepreneurship sa mga school curriculum.
Sa pamamagitan kasi nito, magkakaroon ng kaukulang kaalaman ang mga mag-aaral tungkol sa benepisyo at kahalagahan ng pagnenegosyo.
Mahalaga ring manatiling bukas ang ekonomiya ngayon para mapanatili ang galaw ng mga negosyo dahil malaking tulong ito sa MSMEs para makabawi sila sa kanilang mga pagkalugi, makabayad sa mga utang at muling makapagsimula.
Naglabas din ng pahayag ang Bangko Sentral ng Pilipinas na kailangang maisulong ang “bankability” ng mga MSME at partikular na binanggit ang Philippine Security Act. Sa ilalim ng batas na ito, mas magaan ang paraan ng pag-utang dahil papayagan ang pagtanggap sa mga movable assets tulad ng inventories and crops bilang kolateral.
Nagpahayag din ang Credit Information Corporation o CIC na matagal na nilang isinusulong ang “reputational collateral” at ang requirement na single loan application form para mas madali ang proseso ng pag-utang.
At para mas mahulma ang reputasyon ng MSMEs o ang kanilang creditworthiness, kapwa sang-ayon ang BSP at CIC na kailangang sumailalim sa financial literacy sessions at debt advisory services ang MSMEs.
Ilan lamang ang mga ito sa mga naibahaging punto de vista ng ating mga nakasamang personalidad sa pulong na makatutulong ng malaki sa ating pagsisimula sa 19th Congress.
Maaari nating maisama ang mga ito sa ating Tatak Pinoy measures na ilang taon na rin nating pinalalakas. Umaasa tayo na hindi lamang dito matatapos ang usapan, kundi maging pundasyon ito para mas maiangat natin ang katayuan ng ating micro entrepreneurs.