DAHIL Oktubre na, lumulutang na ang samu’t saring usapin tungkol sa 13th month pay. Marami kasi sa mga negosyo natin at mga pribadong tanggapan ang lubhang hinagupit ng pandemya. Marami sa kanila ang nagsara at ‘yung iba, patuloy man ang operasyon ay apektado naman ang galaw ng negosyo. Pinakamalaking halimbawa rito ang mga micro, small and medium enterprises o MSMEs.
Kamakailan kasi, may mga alingasngas na dahil sa pandemya, mukhang mabibimbin din ang pagkakaloob ng 13th month pay sa mga empleyado, sa kabila ng posisyon ng DOLE na hindi ito dapat matigil.
Para po sa kaalaman ng maliliit nating negosyante, sa ilalim po ng Bayanihan Law 2, may pondo po rito na inilaan para sa pagpapautang sa mga MSMEs. Mahigit P50 bilyon po ang inilaan ng gobyerno, kung saan, may P10-B sa ilalim ng Small Business Corporation at P45-B na hinati sa LandBank at sa Development Bank of the Philippines.
At ‘yung mauutang po ng ating maliliit na negosyo, maaari rin po nilang magamit para makapagbigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado o anumang pangangailangan nila sa mga panahong ito.
Ilang araw mula ngayon, matatanggap na natin mula sa Mababang Kapulungan ang inaprubahang P4.5 trilyong 2021 national budget.
At pagdating nito sa Senado, tinitiyak nating maipapasa rin ito sa takdang oras upang sa Enero 1, may bago nang pondo ang gobyerno.
Pero bago po ang lahat, daraan sa ‘butas ng karayom’ ang pagpasa ng pambansang budget dahil kailangan itong busisiing mabuti at masigurong ang mga sektor na nangangailangan ng mas pokus na budget ay prayoridad.
Tayo po sa Senado, sa ilalim ng ating komite, ang Senate Committee on Finance, habang dinidinig ang 2021 national budget sa Kamara, ay nagkakaroon din ng budget briefings na dinadaluhan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Ito po ay upang mas maging pamilyar na tayo sa mga inihahaing pondo ng mga departamento bago pa man dumating sa ating komite ang inaprubahang national budget ng Kamara.
Sa ngayon, halos 90 percent to 91 percent na ang natalakay ng ating subcommittees sa Senado kaya masasabi natin na bagaman mabigat pa rin ang mangyayaring pagdinig, posibleng kahit paano ay mas magiging mabilis ang takbo nito sa Mataas na Kapulungan. Ang ilang ahensiya na naiwan na lamang sa budget briefings ay ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Tourism, Comelec at Department of Housing na naka-schedule na sumailalim sa budget briefings ngayong linggong ito.
May mga nagtatanong, paano raw magiging epektibo ang pagdinig ng budget gayong kadalasan ay ginagawa ito sa online meetings tulad ng Zoom?
Bilang tayo po ang chairman ng finance na didinig sa national budget, sisikapin po nating maging maigting ang budget hearings. Pero hindi naman po natin puwedeng manduhan ang ating mga kasamahan na gawing regular ang kanilang personal na pagdalo sa plenaryo. Kahit po sa tanggapan nila sa labas, o sa kanilang bahay o sa Zoom, magagawa naman po nating epektibo ito basta’t pagsikapan lang. Napakahalagang bagay ng budget, napakalaking usapin kaya hindi tayo maaaring mag-aksaya ng oras at panahon. Hindi rin kailangang basta-basta lang ang pag-aaral dito dahil pambansang pondo ang pinag-uusapan.
Ang importante po rito, kailangan ay may access ang bawat miyembro ng komite sa resource persons dahil sa kanila po manggagaling ang mahahalagang impormasyon tungkol sa kani-kanilang ahensiya.
Comments are closed.