BINISITA ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato dela Pena ang ilan sa matatagumpay na proyektong katuwang ang DOST sa Bulacan State University (BSU) sa Malolos City, Bulacan.
Ginawa ng kalihim ang pagbisita sa Region 3 kaalinsabay ng pagdiriwang ng 2021 National Science and Technology Week (NSTW) na may temang: Agham at Teknolohiya: Tugon sa Hamon ng Panahon.
Pinulong din ng DOST chief ang ilang opisyal kabilang sina DOST Usec. Rowena Cristina Guevara, Region 3 Dir. Julius Caesar Sicat at BSU President Dr. Cecilia Navasero-Gascon upang talakayin ang pagpapalakas ng mga programa katulong ang DOST.
Kabilang sa mga proyektong iprinisenta ng BSU sa kalihim ay ang Business Assistance for Regional Acceleration and Sustainability, Technology Business Incubator, pagbuo ng Technology Transfer and Utilization Processes and Services sa BSU.
Nagkaroon din ng paglulunsad ng Product Prototypes para sa Disaster /Emergency Food and Products para sa commercialization.
Bukod pa rito, nilagdaan din ang isang memorandum of understanding ang DOST, BSU at micro small and medium enterprises (MSMEs) upang mapalakas ang pagnenegosyo sa mga start-ups ng naturang rehiyon.
Habang bumisita rin kahapon si Dela Pena sa Angeles University at Holy Angel University sa Angeles City, Pampanga para tignan ang ilan pang mga proyektong nagawa ng DOST.
Ilan sa pinuntahan ng kalihim ay ang Biomaterials for Diagnostics and Therapeutics R&D Center, Covid-19 project, Encephalon Technology Business Incubator at DOST Craddle Program na pawang matatagpuan sa Angeles, Pampanga. BENJIE GOMEZ