PINANGUNAHAN nina Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual at Undersecretary Jose Edgardo Sunico ang pamamahagi ng tulong sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa Visayas town hall meeting sa University of the Philippines (UP) sa Cebu noong Biyernes.
Sinabi ni Pascual na sa kasalukuyan ay nakapagbigay na ang DTI ng P8 million sa ilalim ng loan program ng Small Business (SB) Corp., Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginahawa (PPG) sari-sari (retail) store kits, at Shared Service Facilities (SSFs).
Limang negosyo ang tumanggap ng zero-interest loan mula sa SB Corp. sa ilalim ng RiseUp Multi-Purpose Loan, isang programa na naglalayong maipagpatuloy ang mga pakinabang ng MSMEs na nalagpasan ang COVID-19 crisis sa nakalipas na dalawang taon.
Sampung retail store owners na naapektuhan ng sunog sa Barangay Looc, Mandaue kamakailan ang tumanggap din ng business kits sa pamamagitan ng vouchers na nagkakahalaga ng P8,000 bawat isa.
Namahagi rin ang DTI ng halos P2.93 million na halaga ng SSFs sa Lamac Multipurpose Cooperative para sa upgrading ng dairy production at cacao production post-harvest facilities nito.
Sa ilalim ng SSF program, binigyan din ng DTI ang Pestales Agriculture Cooperative ng P994,000 para sa agri-herbal production nito.
“Sa DTI, sa ilalim ng Pangulong (President Ferdinand R.) Marcos Jr., makakaasa po kayo na kami mismo ang lalapit sa inyo upang magbigay ng tulong dahil iyon ang ating hangarin para sa Bagong Pilipinas (At DTI, under the administration of President Marcos Jr., you can count on us to bring you our services, assist you and achieve our desire for a New Philippines),” sabi ni Pascual.
Aniya, inilunsad ng DTI ang 615 SSF projects sa Visayas magmula noong 2013, nag-invest ng may P500 million.
“These initiatives have supported around 61,000 MSMEs and 25,000 other users, creating over 62,500 jobs,” dagdag pa niya.
Nagtayo rin ang DTI ng 29 One-Town-One-Product stores sa rehiyon, na tumutulong sa 840 MSMEs na nakalikom ng tinatayang P27 million na benta.
Sa nakalipas na apat na taon, sinabi ni Pascual na naglabas ang SB Corp. ng halos P2.7 billion sa 14,747 MSMEs at P4.3 billion sa pamamagitan ng mga conduit, kooperatiba, lending institution, at bangko.
(PNA)