MULING nagpalabas ng paalala ang Philippine institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa mga residenteng malapit sa Bulkang Bulusan na paigtingin ang ibayong pag-iingat kasunod ng na-obserbahang pagtaas na naman sa aktibidad ng bulkan.
Batay sa pinakahuling monitoring ng PHIVOLCS, as of January 28, ay umabot sa 126 ang naitalang pagyanig o weak volcano-tectonic (VT) earthquakes sa naturang bulkan.
Ang mga pagyanig ay may lakas na mula ML0.3 hanggang ML2.2 at aabot sa isa hanggang siyam na kilometro ang lalim.
Na-monitor din ang patuloy na degassing activity sa summit crater ng bulkan.
Ayon sa PHIVOCLS, ang nagpapatuloy na seismic unrest ng bulkan sa nakalipas na buwan ay indikasyon ng tumataas na hydrothermal activity na maaari aniyang magresulta sa isang steam-driven o phreatic eruption.
Sa ngayon, nananatili sa Alert Level 1 ang bulkan dahil sa mga pagtaas ng aktibidad nito.
Pinaalalahanan ang lahat na mahigpit nang ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pagbabantay sa 2-kilometer Extended Danger Zone (EDZ). EVELYN GARCIA/ PAULA ANTOLIN