UMABOT sa 337 volcanic earthquakes ang naitala ng Mt. Kanlaon sa Negros mula alas 12:00 ng hatinggabi kahapon hanggang alas 12:00 ng umaga nitong Setyembre 11.
Ayon sa Phivolcs, nasa 9,985 tonelada ng Sulfur Dioxide Flux ang ibinuga ng bulkan.
Nagkaroon din ng malakas na pagsingaw na umabot sa 1000 metrong taas at napadpad sa timog-silangan at nakitaan din ito ng pamamaga.
Kasalukuyang nasa alert level 2 ang bulkan dahil sa pagtaas ng aktibidad nito.
Pinapayuhan ang publiko na maging handa at iwasang pumasok sa apat (4) na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) upang maiwasan ang mga panganib na dulot ng bulkan.
Pinaalalahanan din ng mga awtoridad ang mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil ang abo at mga lumilipad na fragment mula sa biglaang pagputok ay maaaring maging mapanganib sa mga eroplano.
Ang Phivolcs ay patuloy na nagbabantay sa Bulkang Kanlaon at anumang bagong pangyayari ay agad na ipaaalam sa publiko.
RUBEN FUENTES