MT. MACULOT TAHANAN NI BATHALA

MT MACULOT

(SINING AT KULTURA / ni NENET L. VILLAFANIA)

KUNG sa Greece ay may Mt. Olympus na sinasabi nilang tahanan ng diyoses na sina Zeus, Hera, Hephaistus, Aphrodite at iba pa, mayroon naman tayong Mt. Maculot na siyang tahanan ni Bathala.

Matatagpuan ang Mt. Maculot sa puso ng Batangas, na dinarayo ngayon ng mga mountain climbers na ang mga destinasyon ay ang batuhan (rockies), ang tuktok (summit) at ang grotto. Pinakapopular ang batuhan dahil mula rito ay matatanaw ang kapuputok pa lamang na Taal Volcano at ang napakagandang Taal Lake. Ito raw ang pinakamagandang lugar o view para sa Bulkang Taal.

Para sa ating hindi sanay umakyat sa bundok, aabutin ng tatlong oras bago makarating dito, ngunit isang oras lamang para sa mga sanay na.

Sa taas na 930 meters above sea level, bagay ang Mt. Maculot sa mga nagsisimula pa lamang mag-mountain climbing. Matatapos ang paglalakbay dito ng mag­hapon lamang, o hindi hihigit sa walong oras kahit pa madalas magpahinga.

Upang hindi mainip habang naglalakbay, makabubuting malaman ng bawat isa at upang hindi mapansin ang bigat ng backpack na may lamang pagkain at tubig, makabubuting alamin din natin ang kuwentong bumabalot sa naturang bundok, na ayon sa matatanda ay naging tahanan ng pinakamakapangyarihang diyos ng mga Katagalugan – si Bathala.

Sa mitolohiyang Filipino, alam nating naninirahan sa Maki­ling si Mariang Maki­ling (Laguna), sa Arayat si Mariang Sinukuan (Pampanga), sa Bundok ng Susong Dalaga si Maria (Rizal) at sa Mayon naman si Daragang Magayon (Albay).  Kakaiba sa Mt. Makulot dahil tahanan umano ito ni Bathala at ng kanyang “torong ginto” na sinasakyan niya kasunod ang mga encanto kapag naglalakbay patungo sa Bulkang Taal. Malalaman umanong naglalakbay si Bathala kapag maulap at nagsasalimbayan na ang mga kulog at kidlat – na madalas mangyari sa Cuenca, Batangas kahit walang ulan at bagyo, kaya tinawag din umano itong “makulog” (full of thunders) na nang lumaon ay naging “makulot.”

Hindi talaga malinaw kung bakit “Makulot” ang pangalan ng bundok. Bilang Batangueño verdadero (true-blue Batangueño), natatandaan lamang ng inyong lingkod na naikuwento ng aming ina na dinala ng mga engkanto sa nasabing bundok ang mga batang maraming kuto (lice). May mga engkanto umano sa Mt. Makulot na kumakain ng kuto. Kung sa Mt. Olympus ay may “ambrosia” na nagbibigay sa mga diyoses ng walang hanggang kabataan at kapangyarihan, kuto naman ang nagbibigay nito sa mga engkanto sa Mt. Makulot.

Isa pang pinaniniwalaan ng mga taga-Cuenca na pinagmulan ng pa­ngalang Makulot ay ang napakaraming damong “kulutan” sa paligid ng bundok. May mga bunga umano itong dumidikit sa damit o kahit pa sa balat kaya hindi puwedeng hindi mapansin. Ayon sa mga matatanda, ang mga kulutan ay mga taong isinumpa ng mga engkanto dahil sa tangkang pagnanakaw sa gintong toro ni Bathala at sa mga kayamanang nakabaon sa Bulkang Taal. Kumakapit umano ang kanilang bunga sa mga dumaraang tao sa pag-asang maililigtas sila ng mga ito.

Scienfically speaking, ang Mt. Makulot ay isang natutulog na bulkan. Hindi alam kung kailan ito huling sumabog ngunit kasabay raw ito ng Taal Volcano mahigit 140,000 taon na ang nakalilipas. Sa madaling sabi, pre-historic pa nang huling pumutok ang Mt. Makulot. Pinaniniwalaan ng mga scientist na ang Taal Lake ay bunganga lamang ng isang malahiganteng bulkang sumabog noong pahong may dinosaurs pa sa mundo, at sa nasabing pagputok ng higanteng bulkan (na buong Batangas pro­vince daw), ay sumulpot ang makapigil-hiningang Makulot West Wall na nakayuko sa mismong lawa.  Mt. Makulot ang nagsisilbing proteksiyon ng bayan ng Cuenca sa pagputok ng Bulkang Taal – kaya hindi ito naapektuhan ng katatapos na pagsabog noong Enero 11.

Bilang tahanan ni Bathala, isang magi­ting na mandirigmang engkanto umano ang nakatalagang magbantay sa Mt. Maculot – si “Makatmon.” Ipinangalan sa kanya ang lugar kung saan sinasabing madalas siyang matag­puan noong unang panahon.  Sa nasabing lugar din umano naglungga ang mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig dahil mayroon doong kuweba (na siyang tulugan umano ni Makatmon), na ginawan nila ng tunnel. Doon nila itinago ang pinakamalaki at pinakamalakas nilang kanyon na panlaban sa mga Amerikano noong Liberation Era.

Bentahe ang nasabing lugar sa mga Hapones dahil kitang kita nila ang sundalong Amerikano habang dumadaong sa mga dalampasigan ng Batangas (City) at Balayan. Mas malalakas ang bomba ng mga Amerikano ngunit agad itong naiiwasan ng mga Hapones, kahit pa ang mga plane fighter dahil agad silang nakapagtatago sa kuweba. Bukod dito, nahihirapan ang mga Amerikanong hanapin ang kanilang lokasyon dahil sa makapal na ulap na nakapalibot sa Mt. Makulot. Ngunit matalino ang namumuno sa mga Amerikano kaya buong tiyaga nilang pinag-aralan ga­mit ang larga­vista kung nasaan ang tunay na usok matapos silang kanyunin at kung saan din nanggagaling ang putok hanggang sa makuha nila ang tamang lugar. Doon nila pinasabog ang pinakamalakas nilang bomba.

Inaamin ng mga Amerikanong sinu­werte lamang sila kaya sila nanalo sa labang ito, at sa totoo lang, nahirapan umano silang a-amin kung alin ang tunog ng kulog sa tunog ng kanyon. Maaari ring tinulungan sila ng mandirigmang si Makatmon upang manalo.

Sa mga kuwentong nabanggit, marahil ay mas magiging makulay at exciting na ang pag-akyat ng mga mountain climber sa Mt. Makulot ngayong tag-araw. Hindi man kasama sa trekking itinerary ang kweba ni Makatmon, malay ninyo, makasalubong ninyo siya sa inyong pag-akyat o pagbaba sa bundok. Maaaring nagpapanggap siyang nagtitinda ng ice candy o buko juice, o baka karaniwang mountain climber din. Marami siyang maikukuwento sa inyo. At si Bathala? Baka nagpapahinga sa isa sa mga kuwebang hindi ninyo nakikita, o nagpapanggap na toro o tupa.

Comments are closed.