MUKHA NG AWA (Eksposisyon ng mga banal)

Ordinaryo sa mga Filipino ang makakita ng mga magagarang mga santo. Marami rin sa atin ang may kakilalang nagmimintene ng mga santo. Sa mga probinsiya, tuwing Biyernes Santo, parang beauty pageant ng mga santo ang prusisyon. Naglalabas ng malaking pera ang mga camarero at camarera mga nag-aalaga ng mga santo) para mabilhan ng bagong mga damit at palamuti ang mga ito. Minsan tuloy, nagmumukha na lamang silang alamat.

Hindi na maintindihan kung alin ang kwento lamang at katotohanan, lalo na kung ang tinutukoy na santo ay nabuhay libo-libong taon na ang nakararaan.

Subalit totoong nabuhay sila at ngayon ay pinapupurihan bilang mga banal. Noong panahong nagsisimula pa lamang ang simbahan, patago silang nagtitipon, at hindi mga imahen ang iginagalang ng mga sinaunang Kritiyano kundi relikya o relics.

Sa ngayon, ay mga simbahan pa ring may inaalagaang mga relikya ng mga Santo na nakapangalan ang kanilang santuaryo. Halimbawa nito ay ang San Nicolas de Tolentino sa Brgy Bahay Toro, Quezon City. Ang mga relikya ng mga santo ay nagpapaalala sa mga mananampalataya na minsan silang nakipamuhay sa atin.

Isa sa mga pinakamakulay na yugto ng Simbahang Katoliko ay ang pagitipon ng mga sinaunang Kristiyano sa mga catacumba, lugar sa ilalim ng lupa, kung saan inilalagak ang mga labi ng mga pinaslang na mananampalataya, upang kindi makita ng mga kinatawan ng Imperyong Romano. Masinop na itinatago ng mga Kristiyano ang mga kagamitan ng mga martir sa mga catacumba. Kung may pagkakataon, inililibing nila ang katawan ng martir sa isang dambana.

Sa pagdadaan ng mga panahon, naging malaking bagay ang mga relikya. Noong Middle Ages, naging negosyo ang pagbebenta ng mga relikya. Hinangad ng maramig magkaroon ng relikya lalo pa’t may mga Santo Papang naggawad ng indulhensiya, na nagbabawas ng taon sa Purgatoryo kung aalagaan at mananalangin gamit ang anumang relikya.

Dahil dito, maging ang mga relikya ay naging alamat na rin. Halimbawa, sinasabing “dinala ng mga anghel” ang tahanan ng Birheng Maria mula sa Patmos hanggang sa Loreto. Kung babasahin ng maigi ang kwento, isang negosyanteng nakibahagi sa Santa Cruzada ang nagdala nito mula Patmos patungong Loreto, at ang kanyang apelyido ay De Angelis na ang direktang translasyon ay “ng mga anghel”. Sa madaling sabi, may punto naman ang alamat. Mga anghel nga ang nagdala sa Loreto ng bahay.

Isa sa mga pinakamadramang paghahanap ng relikya ay ang paglalakbay ni Santa Elena mula sa Constantinople hanggang sa Jerusalem, upang hanapin ang tunay na krus na pinagpakuan kay Kristo. Ginugunita ito tuwing Mayo taon-taon sa Pilipinas sa pamaagitan ng Santacruzan, kung saan ang pinakamagandang dalaga sa barangay ay nagiging Reyna Elena.

Sa exposisyon ng mga relikya sa San Nicolas de Tolentino Parish, isa sa mga tampok ang Relikya ng Tunay na Krus, na isang piraso ng kahoy mula sa mismong krus na pinagpakuan kay Kristo. Mas magiging makabuluhan ang Biyernes Santo kung hindi lamang sa normal na Via Crucis natin gagawin ang pagninilay kundi sa harap ng tunay na krus ni Kristo.

Makikita rin sa exhibit ang replica ng damit na ipinahid ni Santa Verónica sa mukha ni Jesus, kung saan naiwan ang bakas ng mukha ni Cristo.

Sa mga nangangarap pumunta ng Turino upang makita ang telang ipinambalot sa katawan ng ating Panginoon, mayroon ring replica ng shroud sa eksibisyon. Sa tradisyon ng Simbahang Katolika, maingat itong inilagaan ni San Judas Tadeo hanggang ipagkatiwala niya ito sa Hari ng Edessa na malaon naman ay naibigay sa pangangalaga ng Santuario sa Torino.

Makikita rin sa exhibit ang mga relikya nina Maria Magdalena na tinaguriang apostol sa mga Apostol; Santa Martha, pinakamatalik na kaibigan ni Kristo pati na ang kaniyang mga kapatid na sina Maria at Lázaro; Juan ng Arimathea, ang nagbuhat ng Krus ni Kristo; at Nicodemus, ang maliit na taong umakyat pa sa puno upang makita si Jesus na nangangaral.

Kasama rin ang mga relikya nina Santa Teresita ng Lisieux, Santa Clara, Santa Catalina ng Siena, Santa Bona at Santa Margarita ng Crotona.

“Mahalaga sa mga Kristiyano ang exhibit dahil bahagi ito ng kasaysayan ng Simbahang Katolika. Nagbibigay ito ng makabuluhan at personal na karanasan ng pananampalataya,” ani Judith Esquivias na punong abala sa exhibit.

Paalala ni Fr. Niño Cesar Ruiz, OAR, kura paroko ng SNDT, “Ang relics ay nagpapakita sa atin ng isang pangyayaring tunay [na] naganap sa buhay ng isang tao na sumunod sa kalooban ng Dios.”

Ang “Mukha ng Awa” exhibit ay magpapatuloy hanggang sa ika-9 ng Abril 2023, sa San Nicolas de Tolentino Parish, Uranus corner Pluto Sts., Brgy. Bahay Toro, Quezon City. JVN