INIHAYAG ng PNP Firearms and Explosive Office na palawigin pa ang susunod na pagpoproseso ng mga gun owner sa kanilang mga lisensya sa pagmamay-ari ng baril o License to Own and Possess Firearms o LTOPF.
Ito ay matapos na mas palawigin pa ng PNP ang validity ng mga lisensya ng baril sa lima hanggang sampung taon mula sa dating isa hanggang dalawang taon.
Kaugnay ito sa ipinatupad ng PNP Firearms and Explosives Office sa ilalim ng Civil Security Group na Republic Act 11766 na siyang nag-aamiyenda naman sa Republic Act 10591 o ang Firearms and Ammunition Regulations Act.
Ayon kay PNP Civil Security Group Director MGen. Benjamin Silo Jr. bukod dito ay ginawa na ring 2 taon ang validity ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence mula sa dating 1 taon.
Gayunpaman, sinabi ni Silo na kaakibat ng pinalawig na validity ng LTOPF at Permit to Carry ng mga baril ay ang pagtaas din ng bayarin sa pagkuha nito depende sa kung gaano katagal ito nanaisin ng isang gun owner.
Aniya, alinsunod sa resolusyong inilabas ng National Police Commission o NAPOLCOM , magiging epektibo ang adjusted fees sa LTOPF at Permit to Carry sa mga baril simula Marso 16.
Sa kasalukuyan panuntunan:
Type 1 P1,000
Type 2 P2,000
Type 3 P3,000
Type 4 P2,500
Type 5 P5,000
Pero sa ilalim ng bagong patakaran, ang 5 years validity:
Type 1- P1,000
Type 2- P5,000
Type – 3 P7,500
Type – 4 P12,500
Type – 5 P25,000
Sa 10 years validity:
Type – 1 P2,000
Type – 2 P10,000
Type – 3 P15,000Z
Type – 4 P 25,000
Type – 5 P50,000
Samantala mula naman sa P6,000 na annual fee para sa Permit to carry Firearms Outside of Residence ay magiging P12,000 na ngayon at may bisa ng 2 taon.
Kaugnay nito sinabi ni Silo na pabor pa ito sa mga gun owner pero kung nais pa ring makatipid hinikayat naman ng PNP CSG ang mga gun owner na magrenew na ng lisensya bago magsimula ang pagpapatupad ng bagong patakaran sa Marso 16.
EVELYN GARCIA