DAHIL sa paniniwalang ang mga madidilim na lugar ay kanlungan ng mga kriminal, pinangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang pagpapailaw sa kahabaan ng southbound lane ng Taft Avenue mula Manila City Hall hanggang boundary ng Pasay City.
Kasabay nito, nanawagan si Moreno sa publiko, lalo na sa mga residente ng lungsod na huwag maging biktima ng mga nag-aalok ng COVID-19 vaccines kapalit ng napaka-laking halaga na umaabot sa P20,000 hanggang P30,000 bawat isa.
Ang may 225 poste ng ilaw na naghilera sa kahabaan ng southbound lane ng Taft Ave. ay malaking tulong sa mga solar studs sa kalye, linings at mga camera na inilagay bilang bahagi ng non-contact apprehension program (NCAP) ng lungsod.
“Para mas panatag ang mga nagmamaneho sa gabi.. me illumination kaya ang mga tolongges di na pwedeng gamitin ang dilim sa paggawa ng krimen. Sa dami ng camera sa Maynila plus may ilaw, panatag ang tao, ligtas ang nagmamenho lalo mga naka-motor kasi di sila makita sa gabi, madilim. With this illumination, ang benepisyo diretso sa tao, incidental sa nagmamaneho,” paliwanag ni Moreno.
Tiniyak ng alkalde na ang pagpapailaw sa mga madidilim na bahagi ng lungsod ay magpapatuloy sa ilalim ng kanyang administrasyon, lalo na sa mga lugar na puntahan ng tao.
Idinagdag pa ni Moreno na sa unang bahagi ng darating na taon, ang kahabaan naman ng Ronquillo hanggang R. Papa ang paiilawan, tulad ng ginawa sa Espana Boulevard at Taft Avenue.
Samantala, hinikayat ni Moreno ang publiko na maghintay sa lehitimong anti-coronavirus vaccine na ligtas at certified effective ng regulatory agencies tulad ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH).
“Lahat ng nababalitaan nyo dito, kung meron man na nagbabakuna, eh peke ‘yun. Delikado para sa kalusugan ninyo. Baka imbes na gumaling kayo, bumula ang mga bibig nyo ma-tolongges kayo diyan. Di totoo ‘yan. Intayin po natin ‘yung sertipikado at napatunayan ng mga siyentipiko at ahensiya na ligtas at epektibo na bakuna,” giit ni Moreno.
Nagbabala rin ang alkalde na ang lahat ng nasa likod ng iligal na pagbabakuna ay aarestuhin, sasampahan ng kaso at hihimas ng rehas kung mapapatunayan.
Hinimok din ni Moreno ang publiko na maghintay sa bakuna na ibibigay ng pambansang pamahalaan na susuplementuhan naman ng lokal na pamahalaan ng Maynila at tiniyak din ng alkalde na hindi lamang ito ligtas kundi libre pa.
Sinabi pa ni Moreno na sa ilalim ng Local Government Code, ang pamahalaang lungsod ay may obligasyong pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.