DULOT ng maraming nagkakasakit na mga bata, guro at kanilang kaanak sa Lungsod ng Marikina, minabuti na magdeklara ng isang Academic Health Break na magsisimula sa Enero 17 hanggang Enero 29 alinsunod sa provision ng Section 16-General Welfare Clause ng Local Government Code.
Dahil sa isa itong public health emergency, mainam na mabigyan ng pagkakataon ang bawat pamilyang taga-Marikina na makatuon sa pagpapagaling ng kanilang karamdaman, makapagpahinga, makapag-quarantine at maasikaso ang kanilang mga pangangailangan sa mga panahon na ito.
At ang lahat ng antas sa mga pribado at pampublikong paaralan sa buong lungsod ng Marikina ay inaabisuhang huwag munang magsagawa ng online o face to face classes at magbigay ng mga gawaing bahay sa kanilang mag-aaral habang epektibo ang nasabing health break.
Tinatagubilin na bawasan muna ang paglabas ng bahay maliban lamang kung essential o lubhang mahalaga ang lakad at gawain.
Naitala kahapon ang 34,021 na daily active cases sa bansa na may positivity rate na 47.2 % na pinakamataas na bilang mula nang nagsimula ang pandemya. ELMA MORALES