UMAABOT sa 34.4 milyong kilo ng basura sa halos 21,000 barangay sa buong bansa, sa ilalim ng programang ‘KALINISAN’ ng Department of the Interior and Local Government (DILG) mula Enero hanggang Abril 15, 2024.
Sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na ang lingguhang pagsisikap sa paglilinis ay matagal nang pangako ng pambansang pamahalaan na dalhin ang diwa ng bayanihan sa pamamagitan ng multi-sectoral na pagsisikap upang matiyak ang mas malinis at luntiang komunidad.
Ang KALINISAN Project o Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan ay ang inisyatiba ng convergence ng DILG upang mapanatili at magbigay ng malusog at ligtas na kapaligiran.
Ayon kay Abalos, nitong Abril 15 ang inisyatiba ng KALINISAN ay nakakuha na ng 580,224 na kalahok mula sa 20,974 na barangay.
Nitong Sabado ng umaga, bumalik ang KALINISAN sa Barangay Holy Spirit, Quezon City kung saan may kabuuang 930 KALINISAN advocates mula sa barangay at iba’t ibang sektor ang nakilahok sa aktibidad.
Nagsagawa ang mga ito ng urban gardening sa bagong-tayo na Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG) Community Garden, bukod pa sa kanilang umiiral na Gulayan sa Bulaklakan Research and Training Center.
Ang KALINISAN sa Bagong Pilipinas Clean-up Drive ay unang isinagawa sa Barangay Holy Spirit, Quezon City noong Pebrero 24.
Naglabas ang DILG ng Memorandum Circular 2020-085 at Memorandum Circular No. 2023-017 na binibigyang-diin ang mga patakaran sa pagpapatupad ng road clearing sa mga local government units (LGUs).
Kinatawan ng DILG sa nasabing aktibidad sina Undersecretary Felicito Valmocina at Serafin Baretto at Assistant Secretary Elizabeth Lopez-De Leon kasama ang iba pang lokal at opisyal ng barangay.
EVELYN GARCIA