(Mula Enero hanggang Abril) GOCC DIVIDENDS PUMALO SA P39.8-B

UMABOT sa halos P40 billion ang dividends na nakolekta mula sa government-owned or-controlled corporations (GOCCs) hanggang Abril 24 ngayong taon, ayon sa Department of Finance (DOF).

Sa isang statement, sinabi ng DOF na ang  dividend collections sa naturang panahon ay nagkakahalaga ng P39.8 billion, mas mataas kumpara sa P8.0 billion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Inaatasan ng Republic Act 7656 o ang Dividends Law of 1994 ang lahat ng GOCCs na ideklara at i-remit ang kahit  50 percent ng kanilang annual net earnings sa national government.

Itinaas ni Finance Secretary Ralph Recto ang dividend rate remittance ng GOCCs mula sa kanilang net earnings para sa 2023 mula sa minimum na 50 percent, tulad ng itinatakda sa Republic Act 7656, sa 75 percent.

Ayon kay Recto, ang pagtaas ay bahagi ng hakbang ng  DOF na makalikom ng karagdagang pondo para sa priority infrastructure at socio-development projects ng administrasyong Marcos.

Noong nakaraang taon, ang dividends mula sa GOCCs ay tumaas ng  46 percent sa P99.98 billion mula P68.34 billion noong 2022.

Ang dividends mula sa GOCCs ay ginagamit para pondohan ang accelerated implementation ng mga programa sa infrastructure at iba’t ibang social at economic programs ng pamahalaan.

Ang Bangko Sentral ng Pilipinas ang top dividend contributor noong 2023 na may P55.61 billion, kasunod ang Philippine Deposit Insurance Corporation na may P14.05 billion.

Ang iba pang  top dividend contributors ay ang  Philippine Amusement and Gaming Corporation (P6.96 billion), Philippine Ports Authority (P4.44 billion), Power Sector Assets & Liabilities Management Corporation (P3.15 billion), at ang Philippine Charity Sweepstakes Office (P2.67 billion).

(PNA)