(Mula Enero hanggang Marso) 266 NPA REBS SUMUKO NA SA AFP

MINDANAO-TIWALA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi na muling makakabangon pa ang Communist New People’s Army Terrorists (CNTs) sa kanilang pagkalupig at tuluyang pagkawasak bunsod ng sunod sunod neyutralisasyon ng kanilang mga lider at guerrilla fighters.

Sa datos ng AFP nito lamang buwan ng Enero hanggang Marso ay umabot sa 266 kasapi ng komunistang grupo ang sumuko sa pamahalaan.

Ayon kay Col Jorry Baclor , AFP Public Information Office chief, karamihan ng mga sumuko ay nagmula sa NPA units sa Eastern Mindanao na nasa 114 kasapi.

Samantala 58 guerilla fighters ng CPP mula NPA units sa Western Mindanao ang nagsalong na ng kanilang mga sandata habang 37 naman ang sumuko mula Southern Luzon; 36 sa Visayas; 20 sa Northern Luzon; at isa sa Palawan.

Kabilang sa pinakahuling sumuko si Maximo Catarata, Secretary ng Guerilla Front 3 (GF3),sa Davao del Norte dahilan na tuluyang pagkawasak ng nasabing NPA unit.

Ani Baclor, umabot sa 37 CNTs ang naitalang napatay ng AFP sa kanilang ikinasang military operations habang 29 ang nadakip sa kanilang operations sa buong bansa .

Kabilang sa most wanted na mga NPA na napatay ng militar sa engkuwentro ay si Menardo Villanueva nang makasagupa ang mga tauhan ng Philippine Army 1001st Infantry Brigade sa Barangay Libudon, Mabini, nitong nakalipas na buwan ng Enero.

Si Villanueva ay commander ng NPA’s national operations command (NOC) at matagal na naging secretary ng National Democratic Front’s Southern Mindanao Regional Committee (SMRC).

Nagsilbi rin ito bilang pinuno ng Communist Party of the Philippines (CPP) Mindanao Commission (KOMID) at Political Bureau Chief ng CPP’s central committee.

Samantala, umaabot naman sa 492 high-powered and low-powered firearms ang nakumpiska , nabawi o isinuko nito lamang unang quarter ng 2022.

Nakasamsam din ang militar ng 148 anti-personnel mines na mahigpit na pinagbabawal ng International Humanitarian Law. VERLIN RUIZ