PUMALO na sa mahigit P1.47 trillion ang binayarang utang ng national government hanggang Oktubre ngayong taon, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Sa datos mula sa BTr, ang Marcos administration ay nagbayad ng kabuuang P1.478 trillion mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, mas mataas ng 59 percent kumpara sa debt payments noong nakaraang taon.
Ang binayaran sa naturang panahon ay bumubuo rin sa 95 percent ng P1.55 trillion programmed debt payments para ngayong taon. Ayon pa sa datos, sa P1.47 trillion, mahigit kalahati o P958.9 billion ay ginamit sa pagbabayad ng principal payments.
Ang gobyerno ay nagbayad ng P853.94 billion na principal payments sa domestic lenders, habang P105.02 billion ang ginamit sa pagbabayad sa foreign creditors.
Samantala, ang interest payments ay umabot sa P519.10 billion, malaking bahagi nito ay ibinayad sa domestic lenders.
Hanggang end-October ngayong taon, ang kabuuang utang ng bansa ay nasa P14.48 trillion.
(PNA)