(Mula Enero-Oktubre 2024) P784.54-B NAKOLEKTA NG BOC

UMABOT sa P784.54 bilyon ang kabuuang koleksiyon ng Bureau of Customs (BOC) mula Enero hanggang Oktubre 2024.

Ito ay mas mataas ng 6% o P44.445 bilyon kumpara sa P740.095 bilyon noong 2023.

Ang naturang koleksiyon ay lumagpas sa target na P779.990 bilyon ng Development Budget Coordination Committee ng 0.6% na nagdulot ng surplus na P4.550 bilyon batay sa aktwal na koleksyon ng mga District.

Samantala, para sa Oktubre 2024, nakalikom ang BOC ng P89.502 bilyon na lagpas sa target na P86.102 bilyon ng 3.9% o P3.400 bilyon.

Ang pagtaas na ito ay nagpapakita ng pagsisikap ng BOC sa pagtiyak ng tamang koleksiyon ng buwis at taripa sa pamamagitan ng masusing pagsusuri sa halaga at klasipikasyon ng mga inangkat na produkto.

Naging bahagi rin ng paglago ang pagbibigay ng VAT refund program, mahigpit na pagpapatupad ng fuel marking initiative at ang koleksiyon ng P3.35 bilyon mula sa tax credit certificates.

Ang pinahusay na pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya ng gobyerno, pag-streamline ng mga proseso at pagsuporta sa ligtas na pagpasok ng mga kalakal ay nakatulong din nang malaki.

“We are resolute with our commitment in strengthening our collection capabilities and promoting fiscal growth. Our efforts are directed toward driving sustainable development and advancing our nation’s economic resilience,” ayon kay Commissioner Bienvenido Y. Rubio. RUBEN FUENTES