ILANG araw bago gunitain ng sambayanang Filipino ang araw ng Undas, inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) at police commanders na tiyaking sarado ang lahat ng private at public cemeteries, memorial parks at columbariums.
Paalala ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na siguraduhing sarado ang mga sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 na nangangahulugang walang anumang uri ng mass gathering na magaganap sa lugar na ito.
Binigyang diin ni Año, noong Setyembre pa nagbigay ng direktiba si Pangulong Duterte hinggil sa health safety measures na dapat ipatupad sa Undas na inaasahang tutugunan ito ng mga LGU para na rin sa kaligtasan ng lahat sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Inatasan ni Año ang mga police commander na tumulong para matiyak na compliant ang lahat ng sementeryo sa mga umiiral na quarantine protocols.
Anito, dapat ay natalakay na ng mga alkalde at local police commanders ang patakaran na ipapatupad sa kani-kanilang mga nasasakupan na naaayon sa itinatakdang guidelines ng national government partikular ng National task Force Against COVID-19.
Sa ngayon, ani Año, dapat limitahan lamang sa 30 percent ang kapasidad ng mga bisita sa sementeryo, memorial parks at columbariums. At ang lahat ng mga pumapasok dito ay dapat nakasuot ng face mask at face shield at sinusunod ang physical distancing. VERLIN RUIZ
Comments are closed.