PATULOY pa rin ang paglaban ng bansa sa African Swine Fever (ASF) bagama’t bumababa na ang mga kaso nito, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni DA Assistant Secretary Noel Reyes na nasa 60 barangays na lamang ang apektado ng highly contagious viral disease sa mga baboy, mula sa 3,000 lugar nang magkaroon ng outbreak nito noong 2019.
“Ang maganda ay bumababa na ‘yung incidents—below 60 barangays na lang out of a high 3,000 nung 2019. Marami na ‘yung nai-declare nating ASF-free areas. Ang ipinagpapatuloy na lang natin ‘yung maigting na pagpapatupad ng biosecurity, ‘yung quarantine protocols,” sabi ni Reyes.
Pinaalalahanan din ni Reyes ang mga backyard hog raiser na agad i-report sa provincial veterinarian kapag nagkasakit ang kanilang mga baboy. Aniya, kapag nagpositibo ang mga ito sa ASF ay kailangan silang patayin at ilibing pagkatapos.
“We’re winning the battle against ASF. The war has not been won yet, but we are getting there,” dagdag pa niya.
Nakikipag-ugnayan na rin, aniya, ang DA sa United States sa pagsusuri sa dalawang brand ng bakuna kontra ASF.
“Sana naman in a few months ay maganda ang resulta. Vaccine din talaga makaka-ano niyan eh, just like the COVID-19, vaccine lang talaga, and proper medical protocols, biosecurity naman tawag doon sa animal sector.”