INIIMBESTIGAHAN ng Manila Police District (MPD) ang ilang lady security guard ng Malacanang makaraang mahulog umano sa ika-apat na palapag ng Mabini Hall ng Malacañang compound ang isang administrative aide ng Palasyo kahapon.
Kinilala ang biktima na si Mario Castro na nakatalaga sa Information Communications Technology Office sa ilalim ng Deputy Executive Secretary for Finance and Accounting.
Nabatid na ang mga naturang lady guard ay pawang mga nakatalaga sa nasabing palapag ng gusali nang maganap ang insidente .
Ayon sa ulat ni Lt.Adonis Aguila , hepe ng Manila Police District – Homicide Section na isinumite kay Brig. General Leo ” Paco” Francisco , Director ng MPD’ na kahapon ng umaga nang makarinig ng kalabog ang ilang security guard na nasa ilalim ng Agilex Security Agency.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at inaalam kung may naganap na foul play habang isinailalim sa awtopsiya ang kanyang bangkay.
Nauna rito, kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa isang press briefing na ang biktima ay isang administrative aide na nahulog mula sa ika-apat na palapag ng Mabini Hall sa loob ng compound ng Malacañang,
Sinabi rin Cruz-Angeles na ang Presidential Security Group at ang Philippine National Security Force Unit ay nakikipag-ugnayan sa imbestigasyon sa insidente.
Idinagdag nito, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang matulungan ang pamilya ni Castro.
Nabangit din nito na nakahanda namang bigyan tulong pinansiyal ang mga naulila at magkaroon ng maayos na libing. PAUL ROLDAN