(‘Di sumuko sa ilang beses na pagbagsak) MULA SA ISANG SIMPLENG KARINDERYA, NGAYON AY MAGARANG RESTAURANT NA

ILANG beses ding bumagsak sa pagnenegosyo ang mag-asawang Mark Lester Legaspi, 40-anyos, tubong Silang Cavite, isang tindero dati ng gulay sa palengke ng Silang, at Gaitie Legaspi na dating bokalista naman ng banda.

Sa palengke nagkakilala ang dalawa habang namimili si Gaiti sa palengke ay panay naman ng papansin itong si Mark na taga-bantay noon ng panindang gulay. Lakas loob na kinuha ni Mark ang cellphone number ni Gaiti. Nagpalitan ng mensahe at nagtawagan. Dito na nagumpisa ang kanilang pagmamahalan.

Hirap sa buhay ang mag-asawa noon, dahil walang permanenteng trabaho ang bawat isa sa kanila. Nagtangka rin silang mag-aplay sa mga agency upang mangibang-bansa subalit pareho silang hindi pinalad. Naging kwela din ang kanilang pag-aaplay sa agency dahil napagbinta­ngan pa sila na masamang tao dahil sa kasuotan nilang damit habang nag-aaplay.

Tila wala silang swerte sa pangi­ngibang-bansa, kaya’t nagpasya silang magtayo na lamang ng isang simpleng kainan.

Ang tanong saan nila kukunin ang magiging puhunan? Nagbakasakali na mangutang noon sa bumbay subalit hindi sila napagbigyan. Dahil alanganin daw sila sa pagbabayad.

Nanghiram sa mga magulang ng konting puhunan upang maumpisahan lang ang pagluluto ng iba’t ibang putaheng ulam. Pambato nila ang kaldaretang kambing at bulalo.

Lumipas ang maraming panahon humina ang negosyo dulot ng pandemya.

Nalulugi na pero hindi susuko…

Muli na namang nagtayo ng kainan at pinangalanan nila itong Mackoy’s Kam­bingan at Bulalo.

Dito na lumakas ang kanilang negos­yo. Unti-unti nilang napalaki ang kanilang kainan. Hanggang sa maging ganap ng isang restaurant.

Ilang araw mula ngayon ay bubuksan na nila ang ikalawang sangay ng kanilang restaurant sa Silang Cavite.

Mula sa isang simpleng karideria noon naging isang magarang restaurant na ngayon.

Patunay lamang na ang kanilang dedikasyon sa paghahanap-buhay ay hindi matatawaran sa kasipagan at pagtitiyaga. Iisipin ang buhay ng pamilya at kinabukasan ng mga anak. At ang hamon noon ay isang malaking tagumpay na ngayon.

SID SAMANIEGO