CAMP CRAME – BILANG bahagi ng paglilinis sa hanay ng pulisya, mahigpit ang utos ni bagong talagang PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa sa lahat ng mga pulis na pairalin ang no take policy.
Ito ay ang pagbabawal sa pagtanggap ng anumang bagay o cash mula sa mga operator ng ilegal na sugal at drug dealers.
Maging ang pangongotong sa kahit sino o anumang grupo.
Sinabi pa ni Gamboa, nais niyang maibalik ang proper decorum sa PNP kung saan lahat ng pulis ay dapat magpakita ng respeto.
Maging ang pagpapatupad ng tamang bihis ay nais ni Gamboa na mahigpit na maipatupad.
Giit ni Gamboa, na ang pagbabago ay nagsisimula sa sarili kaya para sa kanya hindi sila makakapagpatupad ng batas kung sila mismo ay lumalabag sa batas.
Pinayuhan din ng ika-23 hepe ng PNP ang mahigit 200,000 strong policemen na panatilihin ang kapayapaan ng bansa at protektahan ang mamamayang Filipino.
“’Yun ang ating mandato at nararapat nating iwaksi ang mga pampersonal na adhikain,” aniya.
Sa kanyang pag-upo ay paiigtingin ang internal cleansing sa hanay upang maibalik ang pagtitiwala sa pulisya ng mamamayan.
“Kailangan natin linisin ang ating hanay upang mawala ang anay na sumisira sa ating organisasyon,” ayon pa kay Gamboa. REA SARMIENTO
Comments are closed.