BULACAN –KABUUANG 20,118 na magsasakang rehistrado sa Farmers and Fisherfolks Registry System (FFRS) ang tatanggap ng pinansiyal na tulong na nagkakahalaga ng P5,000 kasama na ang Intervention Monitoring Card (IMC) mula sa Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng programang Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA).
Alinsunod sa Republic Act No. 11598 o Cash Assistance for Filipino Farmers Act, ang DA ay pinahihintulutan na magbigay ng direktang tulong pangpinansiyal hanggang 2024 sa mga farmer na nagsasaka ng palayang may sukat na dalawang ektarya pababa.
Magsisilbi namang identification (ID) at cash card ang kanilang mga IMC na magbibigay sa kanila ng access sa mga tulong ng pamahalaan.
Sa isang kick-off ceremony kamakalawa na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium, 200 mula sa 748 na magsasaka mula sa Lungsod ng Malolos ang nakakuha na ng kanilang mga IMC at tulong pinansiyal habang ang mga magsasaka mula sa iba pang mga lungsod at munisipalidad ang tumanggap ng IMC at tulong pinansiyal sa pamamagitan ng store payout sa kani-kaniyang sangay ng USSC sa kanilang lugar kabilang na ang Balagtas, Baliwag, Guiguinto, Hagonoy Balagtas, Baliwag, Guiguinto, Hagonoy, Marilao, Obando, Plaridel, Santa Maria, Lungsod ng Meycauayan at Lungsod ng San Jose del Monte.
Magsasagawa naman ng payout caravan sa iba pang mga lungsod at munisipalidad na may matataas na bilang ng mga benepisyaryo at sa mga lugar na walang sangay ng USSC.
Samantala, inihayag ng provincial government ng Bulacan na malaking tulong ang programa sa mga magsasakang apektado ng rice importation sa bansa.
Kasabay nito, inanunsiyo rin ang konstruksyon ng Bulacan Farmers Training Center sa loob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan. MARIVIC RAGUDOS