MULING umapela ang isang grupo ng taxi operators sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dagdagan ng P30 ang flag-down rate o mula P40 ay gawing P70 sa gitna ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa panayam ng Unang Balita ng GMA Integrated News, sinabi ni Philippine National Taxi Operators Association president Bong Suntay na una nilang inihain ang naturang petisyon noong 2021 at hanggang ngayon ay hindi pa ito naaaksiyunan.
Ayon kay Suntay, ang huling pagkakataon na nagtaas sila ng pasahe ay noong 2017 noong ang presyo ng gasolina ay naglalaro pa sa P34 hanggang P38. Ngayon, aniya, ang presyo nito ay nasa P68 na
Sinabi pa ni Suntay na dating inaprubahan ng LTFRB ang fare hike na P5 para sa taxi, subalit hindi ito ipinatupad ng mga taxi operator dahil iginiit nila ang kanilang apela para sa dagdag na P30 sa flag-down rate.
Dagdag pa ni Suntay, sa loob ng 15 taon ay hindi tumaas ang boundary para sa taxi ar nanatili ito sa P900 hanggang P1,300.
Ngayong Martes ay kasado na ang panibagong pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Pilipinas Shell Petroleum Corp., at Seaoil Philippines Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.10, diesel ng P0.20, at kerosene ng P0.70.
Ito na ang ika-6 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-7 na sunod para sa diesel at kerosene.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Agosto 15, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P13.40 kada litro, diesel ng P8.60, at kerosene ng P5.14 kada litro.