MULING inihain ni Deputy Speaker at Pampanga 3rd Dist. Rep. Aurelio ‘Dong’ Umali ang panukalang batas na nagtatakda ng 50 percent reduction o kalahati na lamang ng kasalukuyang singil ang ipapataw sa perang ipadadala ng overseas Filipino workers sa kani-kanilang mga kamag-anak dito sa Pilipinas.
Ayon sa Pampanga lawmaker, umaasa siyang mabilis na maaaprubahan ang kanyang House Bill 185 o ang proposed OFWs Remittance Protection Act dahil una na itong pumasa sa ikatlo at huling pagbasa sa nakaraang 18th Congress subalit bigong lumusot sa Senado.
“We hope we could enact it this time around for the sake of our 2.3 million OFWs and their families. The bill’s major feature is the 50-percent reduction in remittance cost,” sabi pa ni Gonzales.
Kaya naman kung pagbabasehan, aniya, ang March 2022 World Bank monitoring report, kung saan ang bayad sa global remittances sa mga bangko ay pinapatawan ng 10.94 percent ng halaga ng perang ipadadala ng bawat OFW, aabot sa $3.44 billion ang kabuuang remittance fees na nakolekta sa Pinoy overseas workers.
“Had the bill been enacted, it would have saved our workers $1.72 billion or P95.67 billion at the exchange rate of P55.70 to one US dollar. That is P95.67 billion in extra money going to OFW families, instead of that huge amount accruing to banks that are raking in tens of billions in profits,”pagbibigay-diin ni Gonzales.
Giit ng ranking House leader, ang nasa P95 billion na ito na nasingil sa remittances ay katumbas ng karagdagang budget sana na P41,600 sa pamilya ng bawat 2.3 million na OFWs.
Sa ilalim ng HB 185, iminumungkahi ni Gonzales na bigyan ng 50 percent discount sa remittance charge ang lahat ng OFWs na magpapadala ng pera sa kani-kanilang pamilya dito sa Pilipinas, maging ito man ay sa pamamagitan ng banks at non-bank financial intermediaries.
Kapag ganap na naging batas, ang lalabag na bank at non-bank remittance centers ay maaaring maharap sa parusang pagkakakulong ng dalawa hanggang 10 taon, multa na P6,000 hanggang P750,000, bukod pa sa parusang ipapataw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
ROMER R. BUTUYAN