DALAWANG araw makaraan ang 6.6 magnitude na lindol sa Tulunan, North Cotabato na kumitil sa siyam katao, muling niyanig kahapon ng umaga ang Mindanao.
Sa ulat, panibagong magnitude 6.5 na lindol ang naganap alas-9 ng umaga at naitala ang Intensity 7 sa Tulunan, Cotabato, Kidapawan City, Sta Cruz, Matanao, Bansalan, Magsaysay, Davao del Sur; Intensity VI sa Koronadal City, Tampakan, South Cotabato; Intensity V sa General Santos City, Tupi, South Cotabato, Isulan, Sultan Kudarat; at Intensity IV sa Lebak, Sultan Kudarat.
Lima ang sinasabing nasawi sa panibagong pagyanig habang kabilang ang chairman ng Barangay Batasan sa bayan ng Makilala sa North Cotabato nang gumuho ang kanilang tanggapan.
Kinilala ito na si Kapitan Cesar Bangot.
Samantala, sa Kidapawan City, gumuho ang Eva Hotel at inabandona na ang gusali bago pa man ito gumuho.
Habang sa Koronadal nasira rin ang Gaisano Grand Mall kung saan bumagsak ang malaking bahagi nito.
Nagmistulang ghost town sa ngayon ang malaking bahagi ng South Cotabato kung saan halos lahat ng establisimiyento ay pansamantalang sarado kahapon.
Inaasahan namang madadagdagan pa ang 17,000 na mga bakwit mula sa iba’t ibang mga bayan sa North Cotabato dahil sa patuloy na mga paglindol. VERLIN RUIZ
Comments are closed.