SA GITNA ng samu’t saring negatibong balita sa bansa gaya ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at ibang pangunahing bilihin, mga isyu ukol sa iba’t ibang kandidato, bangayan ng mga netizen online, at kung ano-ano pa, ang Manila Electric Company (Meralco) ay naghatid kamakailan ng magandang balita sa mga customer nito.
Sa ikalawang pagkakataon ngayong taong 2022 ay inanunsiyo ng Meralco ang ukol sa muling pababang paggalaw ng presyo ng koryente ngayong Pebrero. Bumaba ng P0.1185 kada kilowatt-hour (kWh) ang presyo ng koryente ngayong buwan kaya mula sa presyong P9.70 kada kWh noong Enero, ito ay nasa P9.58 kada kWh na lamang.
Ang halagang ibinaba ng presyo ng koryente ngayong buwan ay katumbas ng P24 na bawas-singil sa Meralco bill ng mga customer na may karaniwang konsumo na 200 kWh kada buwan. Kung susumahin ang dalawang beses na pagbaba ng presyo ng koryente, tinatayang nasa P0.19 kada kWh na ang ibinaba nito ngayong 2022. Ito ay katumbas ng kabuuang halaga na P39 na natipid ng mga residential customer ng Meralco na may 200 kWh na konsumo kada buwan.
Nananatiling mabigat ang pinagdaraanan ng mga konsyumer sa kasalukuyan lalo na kung usapang pinansiyal. Bagaman lumuwag nang bahagya ang quarantine restrictions na ipinatutupad ng pamahalaan na siyang nagbigay-daan sa muling pagbabalik sa operasyon ng ilang mga negosyo at pagbabalik sa trabaho ng ilang mamamayan, marami pa rin ang hirap sa kanilang budget sa araw-araw. Kaya anumang balita ukol sa pababang paggalaw sa presyo ng mga pangunahing produkto at serbisyo gaya ng koryente ay maituturing na malaking tulong para sa mga konsyumer.
Ang pagbaba ng presyo ng generation charge o ang ibinabayad ng Meralco sa mga supplier nito ng koryente katulad ng mga power plants at ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ang tinutukoy na pangunahing dahilan sa pagbaba ng presyo ng koryente ngayong Pebrero.
Malaking bagay ang pagbabang ito at naging sapat upang hataking pababa ang kabuuang presyo ng koryente ngayong buwan. Hindi naman lingid sa kaalaman ng karamihan na tinatayang higit 50% ng ating binabayaran sa koryente ang napupunta sa generation charge kung kaya’t anumang paggalaw sa presyo nito ay tiyak na makakapekto sa kabuuang presyo ng koryente kada buwan.
Tiyak na malaking tulong sa mga konsyumer ang pagbabang ito sa presyo ng koryente, lalo na sa mga mamamayan na direktang naapektuhan at umaaray sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Bagaman patuloy ang pagbaba ng presyo ng koryente, hinihikayat pa rin ng Meralco ang mga customer nito na ugaliin ang masinop at matalinong paggamit ng koryente lalo na’t papalapit nanaman ang panahon ng tag-init.
Ayon sa datos ng kompanya, karaniwang tumataas ng 10% hanggang 40% ang konsumo ng mga customer kapag sumasapit ang tag-init kung ikukompara sa konsumo sa mga malalamig na buwan. Ito ay dahil sa epekto ng mataas na temperatura sa operasyon ng mga kagamitang de-koryente, at sa karaniwang mas humahabang oras ng paggamit ng mga ito.
Hindi dapat mangamba ang mga customer dahil maraming paraan upang makatipid sa konsumo sa koryente, hindi lamang sa panahon ng tag-init kundi sa buong taon.
Kung gumagamit ng aircon sa bahay, ugaliin ang regular na pagpapalinis nito. Ang paglilinis ng aircon nang hindi bababa sa dalawang beses kada buwan ay maaaring magresulta sa humigit kumulang P334 kada buwan na maititipid ng customer na gumagamit ng 1hp window type aircon.
Mahalaga rin ang masiguro na akma ang uri ng aircon sa laki ng kuwarto o espasyong palalamigin nito. Isa ring paraan upang makatipid sa paggamit ng aircon ay ang paglalagay nito sa katamtamang setting na 25C sa halip na 18C. Tinatayang maaaring umabot ng humigit kumulang P991 kada buwan ang maititipid ng customer na may 1hp window type aircon kung susundin ang payong ito.
Sa paggamit naman ng refrigerator, dapat masiguro na sumasara nang maayos ang pinto nito at walang lumulusot na lamig dahil mas mahihirapan sa pagtatrabaho ang compressor nito kung sumisingaw ang lamig mula sa loob. Ito ay maaaring magresulta sa pagtaas ng konsumo sa koryente.
Gaya rin sa pagpapanatili ng magandang kondisyon ng aircon, mahalaga rin ang regular na paglilinis ng bentilador. Hindi dapat hayaang nagkakaroon ng makapal na alikabok ang blade at motor nito. Maaaring makatipid ng P5 kung susundin ang simpleng payong ito.
Maaaring subukan ng mga customer ang mga nasabing payo upang mas maramdaman ang mababang singil ng koryente ngayong buwan. Bagamat maituturing na isang pangunahing pangangailangan ang koryente, hindi ito nangangahulugan na wala tayong kakayahang kontrolin ang ating konsumo. Kailangan lamang maging masinop sa paggamit nito.
Para sa kumpletong listahan ng mga tip na maaaring sundin ng mga customer na nagnanais makatipid sa konsumo sa koryente lalo na sa pagsapit ng panahon ng tag-init, bumisita lamang sa opisyal na website ng Meralco,www.meralco.com.ph at hanapin ang Bright Ideas.