MULING PAGBABA NG PRESYO NG KURYENTE PARA SA MGA CUSTOMER NG MERALCO

Inanunsyo kamakailan ng Manila Electric Company (Meralco) na matapos ang P0.7067 kada kilowatthour (kWh) na bawas-singil sa kuryente noong nakaraang Hulyo para sa mga residential na customer na kumokonsumo ng 200 kWh, mayroon ulit pagbaba ngayong buwan ng Agosto.

Ang bawas-singil na P0.2087 kada kWh ngayong buwan ay katumbas ng P42 na mababawas sa bill ng isang residential customer na may 200 kWh na konsumo. Bunsod nito, nasa P9.5458 kada kWh na lamang ang rate ng Meralco para sa mga tipikal na household.

Bilang resulta ng adjustment na ito, umabot na sa P0.9154 kada kWh ang kabuuang halaga ng ibinaba sa presyo ng kuryente ng Meralco nitong nakaraang dalawang buwan, at nasa P0.2315 kada kWh naman ang kabuuang ibinaba nito simula Enero 2022.

Pagbaba ng presyo ng kuryente dahil sa pagbaba ng generation chargeAng pagbaba ng singil ngayong Agosto ay resulta ng P0.1944 kada kWh na kabawasan sa generation charge o yung binabayad ng Meralco sa mga supplier ng kuryente.

Bumaba ang singil mula sa Power Supply Agreements (PSAs) at nagawa nitong tabunan ang pagtaas naman ng singil mula sa Independent Power Producers (IPPs) at Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Bumaba rin ng P0.4273 kada kWh ang presyo ng PSA dahil natapos nang kolektahin ang karagdagang singil na mula sa inutay-inutay na generation charge noong Abril.

Samantala, tumaas naman ng P0.4213 kada kWh ang singil ng IPP dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado na nakaapekto naman sa presyo ng Malampaya natural gas. Nasa 44% ng kabuuang supply ang nanggagaling sa Sta. Rita, San Lorenzo at San Gabriel na natural gas plants.

Nanatili ring mataas ang presyo ng kuryente sa WESM. Tumaas ng P0.0433 kada kWh ang presyo nito dahil sa manipis na supply sa Luzon grid. Sa kabila ng pagbaba ng demand, nagkaroon pa rin ng Yellow Alert noong ika-5 ng Hulyo dahil sa kakulangan sa reserbang supply matapos ang pansamantalang paghinto ng operasyon ng ilang malalaking planta ng kuryente. Dagdag pa rito, dahil sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo sa WESM, ipinataw ang secondary price cap.

Para sa buwan na ito, nasa 52% ng supply ng Meralco ang mula sa PSA. 43% naman ang mga IPP, at 5% ang mula sa WESM.

Pagpapatuloy ng refund kaugnay ng presyo ng distribution charge
Patuloy naman ang pagpapatupad ng Meralco ng distribution charge refund alinsunod sa kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC). Nasa P1.8009 kada kWh na ang kasalukuyang refund para sa mga residential na customer.

Nakadagdag din ang pagbaba ng presyo ng distribution charge ngayong buwan na nagkakahalagang P0.0360 kada kWh para sa mga residential na customer.
Bago ipinatupad ang nabanggit na adjustment, walang naging paggalaw ang distribution charge ng Meralco mula nang mag-rehistro ito ng pagbaba noong Hulyo 2015.

Transmission at iba pang singil
Sa kabilang dako, tumaas ng P0.0235 kada kWh ang presyo ng transmission para sa mga residential na customer. Samantala, ang mga buwis at iba pang singil ay bumaba naman ng P0.0018 kada kWh.

Nananatili namang suspendido ang paniningil ng Universal Charge-Environmental Charge na nagkakahalagang P0.0025 per kWh sa bisa ng kautusan ng ERC.

Ibinabayad sa mga mga supplier ng kuryente at mga system operator ang mga pass-through charge mula sa generation at transmission, habang ang buwis at iba pang singil gaya ng universal charge at Feed-in Tariff Allowance (FIT-All) ay isinusumite sa gobyerno.

Electrical safety at energy efficiency
Ngayong panahon ng tag-ulan, hinihikayat ng Meralco ang mga customer nito na maghanda para sa bagyo at pagbaha. Ilan sa maaaring gawin ng customers ay ang pagsiguro na mayroong charge o baterya ang mga mobile phone, flashlight, at iba pang mahahalagang gadget at rechargeable na mga kagamitan. Kapag may bagyo, ugaliing gumamit ng mga bota at guwantes na yari sa goma bilang karagdagang proteksyon. Kung sakaling magkaroon ng pagbaha, patayin ang lahat ng circuit breaker at huwag basta-basta gagalawin ang mga linya ng kuryente sa loob ng bahay. Kung nalublob sa baha ang mga saksakan at mga gamit, ipasuri muna ito sa mga lisensyadong electrician bago gamitin.

Mahalaga ring ugaliin ang matalino at masinop na paggamit ng kuryente. Maaaring malaman ng mga customer ang tinatayang konsumo ng mga appliances at mga gadget sa pamamagitan ng Appliance Calculator na makikita sa Meralco Mobile App. Sa pamamagitan nito, mas magkakaroon ng ideya ang mga customer ukol sa pagkontrol ng konsumo.

Para sa mas marami pang mga tip tungkol sa energy efficiency, maaaring bumisita sa www.meralco.com.ph/brightideas o i-follow ang Meralco www.facebook.com/meralco sa Facebook at Instagram: @meralcoph.