MULING PAGBANGON NG EKONOMIYA, MAHIRAP PERO KAKAYANIN

Joes_take

KASALUKUYANG nagaganap ang pagsusuri ng Malacañang kung maaari na bang ipatupad ang pinakamababang restriksyon ng community quarantine sa Metro Manila na tinatawag na modified general community quarantine (MGCQ). Marami ang umaasa na pagdating ng Lunes ay magsisimula ang pagpapatupad ng bagong klasipikasyon ng community quarantine sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa Lunes ang ikatlong buwan simula nang pansamantalang huminto ang takbo ng ekonomiya at ng normal na pamumuhay dahil sa pandemyang COVID-19. Sa paunti-un­ting pagbaba ng restriksyon ng community quarantine, ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya upang mapigilan ang pagkalat ng virus at upang mapanati­ling protektado ang mga mamamayan. Nais natin ay maging gaya tayo ng New Zealand na naideklarang virus-free noong umpisa ng linggong ito.

Malinaw na ang mga mamamayan ay naghahangad na ring makabalik sa normal na takbo ang kanilang buhay. Ang libo-libong empleyado at trabahador na nagbalik-trabaho sa Metro Manila kamakailan matapos ibaba sa general community quarantine (GCQ) ang restriksyon ng community quarantine ang isang patunay nito.

Upang maiwasan ang malaking posibilidad na mahirapan sa paghanap ng mga masasakyan, ang iba ay naniguro at minabu­ting mag-bisekleta papunta at pauwi mula sa trabaho. Marami ang tumuligsa sa Department of Transportation (DOTr) at sa Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil sa kakulangan nito sa pag­hahanda at sa pagsiguro na mayroong masasakyan ang mga empleyado at trabahador na magbabalik-trabaho sa unang araw ng GCQ.

Naiintindihan ko kung bakit hindi binigyan ng pahintulot ng DOTr na magbalik-operasyon ang karamihan sa mga pampublikong transportasyon sa NCR ngayong nasa ilalim na tayo ng GCQ. Ito ay upang maprotektahan ang mga mamamayan sa panganib ng virus dahil bagama’t tayo ay naka-GCQ na, ang COVID-19 ay nananatili sa paligid. Mabuti nang mag-ingat kaysa magsisi.

Sa ilalim ng mga panuntunan ng GCQ, ang pagbabalik-operasyon ng mga pampublikong sasak­yan ay hahatiin ng DOTr sa dala-wang bahagi. Ang unang bahagi ay limitado sa mga tren, mga bus, mga taksi, point-to-point bus, shuttle service, at bisikleta hanggang sa ika-21 ng Hunyo. Sa ika-22 ng ­Hunyo hanggang sa ika-30 ng buwan, ang mga pampublikong bus, mga mo­dernong jeep, at mga UV express ay maaari na ring magbalik-operasyon.

Sa panahon ng kagipitan, habang ang mga tao’y galit at balisa sa mga nangyayari, kailangan ang mahabang pasensiya sa pagpapaliwanag sa publiko ukol sa mga panuntunan na kailangang sundin ng nakararami upang makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng virus. Mas mahirap pa dahil sa ilang mga tao na sa halip na tumulong na lamang ay gumagawa pa ng isyu sa pamamagitan ng pagkaka-lat ng maling impormasyon.

Ito ang nangyari sa Meralco nitong mga nakaraang araw nang isang kampanya na naghahatid ng maling impormasyon ang ipina-kalat ng ilang mga grupo. Ayon sa mga grupong ito ay sinamantala raw ng Meralco ang panahon ng ECQ sa pamamagitan ng pagpapa-taw ng sobrang singil sa mga customer nito kasabay ng mga balitang umiikot sa mga media patungkol sa mataas na bayarin sa koryente nitong nakaraang Mayo.

Dati na rin itong nangyari sa Meralco nang subukan ng ilang grupo na dungisan ang reputasyon ng kompanya sa pamamagitan ng pag-atake sa Meralco gamit ang presyo ng koryente  at iba pang isyu na ukol dito. Paulit-ulit din na napagtagumpayan ng Me­ralco ang mga isyu na ibinato sa kompanya at nanati­ling nakatuon ang atensiyon sa serbisyo sa publiko.

Upang linawin ang isyu ukol sa mataas na bayarin sa koryente ng mga customer ng Meralco, naglabas agad ng abiso ang Meralco na nagpapaliwanag kung bakit mataas ang bayarin sa koryente noong buwan ng ECQ kung ikukumpara sa mga nakaraang malalamig na buwan ng Disyembre 2019, Enero 2020, at Pebrero 2020.

Bunsod ng mahigpit na pagpapatupad ng ECQ, hindi naging posible para sa mga meter reader ng Meralco ang mabasahan ng metro ang mga customer nito noong buwan ng Marso at Abril. Dahil dito, ang mga bill para sa mga buwang nabanggit ay ibinase sa average daily consumption ng customer noong nakaraang tatlong buwan na nagkataon namang may mas malamig na temperatura.

Ang naging malaking pagtaas ng mga Meralco bill para sa buwan ng Mayo ay dahil sa mas mataas na konsumo ng koryente ng mga customer bilang resulta ng pamamalagi sa loob ng bahay dahil sa ECQ. Kasabay pa nito ay ang pagpasok ng panahon ng tag-init kung saan karaniwang tumataas ang konsumo ng mga customer dahil sa mainit na temperatura ng panahon.

Sa kabila ng mga paliwanag na ito ay marami pa rin ang mga customer na nalilito patungkol sa kanilang mga bill. Hindi naman sumuko ang Meralco at sa halip ay naging mas masigasig pa sa pagpapaliwanag sa publiko. Ipina­liliwanag ng Meralco ang proseso ng billing sa paraan na madaling maintindihan ng mga customer nito.

Sumunod ang Meralco sa mga utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) at ng Department of Energy (DOE) upang masiguro na tama ang mga singil sa mga customer. Sinisiguro ng Meralco na kung ano lamang ang aktwal na konsumo ng customer ay iyon lamang ang kanilang sisi­ngilin sa mga ito.

Nagbalik-operasyon na ang Meralco sa pagbabasa ng metro ng mga customer noong Mayo. Dahil dito ay makaaasa na ang mga customer na makukuha na ng Meralco ang kanilang ­aktuwal na konsumo at kung anuman ang mga una nang nai-bill sa mga ito base sa estimated na konsumo ay naibawas na sa kabuuang konsumo na nakuha ng Meralco mula sa pagbabasa ng metro ng mga custom-er.

Ang lahat ng customer ng Meralco, residensyal man o hindi, ay makatatanggap ng liham ng paliwanag ukol sa pagkalkula ng ka-nilang bayarin sa kuryente ngayong Hunyo. Makikita rin sa likurang bahagi ng Meralco bill ang detalyadong paghihimay na ginawa ng Meralco sa mga singil na nakapaloob sa Meralco bill ng mga customer ngayong buwan.

Naiintindihan ng Me­ralco ang pinagdadaanan ng mga customer nito pati na rin ang epekto ng pandemya sa ating lahat kaya ang Meralco, sa kautusan ng ERC, ay nagbigay ng pagkakataon sa mga customer nito na mabayaran nang paunti-unti ang naipong Meralco bill noong ECQ sa loob ng apat hanggang anim na buwan. Ang mga customer na may konsumong 200kWh pababa noong Pebrero ay ­maaaring magbayad ng hanggang anim na buwan at ang mga may konsumo na 201kWh pataas naman ay maaaring magbayad ng utay-utay sa loob ng apat na buwan.

Upang mapagaan naman ang bayarin sa kor­yente ng mga malalaking negosyong bumabawi pa lamang mula sa epekto ng ECQ, pansamantala ring isinuspinde ng Meralco ang paniningil ng Guaranteed Minimum Billing Demand (GMBD) sa mga ito mula ika-16 ng Marso hanggang ika-30 ng Hunyo.

Kahanay ng layunin ng pamahalaan na maibalik na sa normal ang takbo ng buhay sa bansa, ang pangunahing layunin naman ng Meralco ay ang pagsiguro ng tuloy-tuloy na serbisyo ng koryente  para sa mga customer nito upang mas madali ang ating pagba­ngon mula sa hagupit ng pandemyang COVID-19.

Upang mabawasan ang inaalala ng mga customer ng Meralco, sinisiguro ng Meralco na hindi muna ito magpuputol ng serbisyo ng koryente upang ma­bigyan ng pagkakataon ang mga customer nito na mas makaahon mula sa mga naipong mga bayarin, hindi lamang sa koryente.

Basta’t tayo’y nagtutulungan, ako ay naniniwala na hindi magtatagal ay muli tayong makakabangon mula sa epektong dulot ng pan­demyang ito. Hindi magtatagal ay mamamayagpag muli ang ating ekonomiya gaya ng kung paano ito lumalaki noong bago pu-masok sa eksena ang CO­VID-19. Kailangan lamang ay magtulungan ang pamahalaan, pribadong sektor, at tayong mga mamamayan upang mapagtagumpayan natin ang dagok na ito sa ­ating mga buhay.

Comments are closed.