MULING PAGBANGON NG TATAK MIGHTY

Magkape Muna Tayo Ulit

NOON, ang tatak Mighty ay maaring maihambing sa korupsiyon at pandaraya sa pamamagitan  ng hindi wastong pagbabayad ng buwis sa ating pamahalaan. Matatandaan na nalagay ang Mighty  Corp. sa pangunahing balita matapos ma-raid ang kanilang mga warehouse ng Bureau of Customs (BOC) upang kumpiskahin ang mil­yon-milyong halaga ng kanilang sigarilyo dahil sa pekeng tax stamps.

Dahil sa matinding kampanya ng gobyerno sa katiwalian, kinasuhan ang Mighty Corporation ng tax evasion at pinagmumulta sila ng mahigit na P30 billion dahil dito. Mabuti na lang at binili ng Japan Tobacco Inc. (JTI) ang Mighty sa ha­lagang P46.8 billion.

Sa halagang ito, nabayaran ng Mighty Corporation ang tax settlement sa ating gobyerno na nagkakahalga ng P30 billion upang ibasura ang kaso laban sa kanila. May naiwan pa sa kanila na P16.8 billion. Sa ilalim ng usapan sa JTI, hindi na maaring bumalik sa industriya ng sigarilyo ang Mighty Corporation at ang kanilang produktong Mighty Cigarettes ay nasa pag-aari na ng JTI kasama ang lahat pa ng produkto ng Mighty Corporation.

Matapos ang masa­limuot na yugtong ito, ang magkapatid na Alex at Cesar Wongchuking na may-ari ng nasabing korporasyon ay nag-iba ng negosyo.

Samu’t sari ang kanilang pinasok na ne­gosyo. Mayroon sila sa insurance, agrikultura at iba pa. Subali’t isa sa matagumpay na pinasok nilang negosyo ay  ang  sports apparel o mga damit pang isports. Tinawag nila ang bagong korporasyon bilang Mighty Sports.

Maliban sa mahilig sa isports ang magkapatid, si Cesar ay talagang mahilig sa basketbol. Sa katunayan ay naging player siya ng kanilang eskuwelahan noong siya ay nasa hayskul sa Xavier School. Ang isa sa anak niya ay mahilig din sa basketbol.

Sumabak ang Mighty Sports sa iba’t ibang basketball tournaments. Subali’t ang kasaluku­yang koponan ng Mighty Sports na naglalaro ngayon sa 2019 Dubai International Basketball Tournament ay umaani ng puri at fans mula sa mga Filipino.

Parang ang lebel nila ay hawig sa Gilas Pilipinas. Wala silang player na miyembro ng Gilas. Nguni’t tinatalo nila ang mga koponan sa nasabing torneo na kabilang sa national team ng Lebanon at Syria.

Bagama’t may kasamang mga banyaga o import na players sa nasabing torneo, hindi rin ito nalayo sa FIBA World Cup na maaring magsama ng naturalized player. Magaling ang mga import ng Mighty Sports. Kasama nila si Justin Brownlee na da­ting naglaro sa Bgy. Ginebra sa PBA. May dalawa pang import sila na mga dating NBA players.

Sila ay sina Randolph Morris na naglaro sa New York Knicks at Atlanta Hawks. ‘Yung isa naman ay ang sikat na player na si Lamar Odom ng Los Angeles Lakers. Naglaro rin si Odom sa USA Team sa Olympics noong 2004 at kasama siya sa koponan na nag-gold medal noong 2010 FIBA World Cup. Hindi na kasing husay si Odom matapos dumaan ng krisis sa buhay. Subali’t maaari nating sabihin na binigyan ng pangalawang pagkakataon ng Mighty Sports si Odom na makabalik sa active basketball.

Sa ngayon, winalis ng Mighty Sports ang kanilang elimination round sa Group B. Sinubaybayan ko ang lahat ng kanilang laro sa Dubai. Ang nakatutuwa ay parang nasa Filipinas ka sa lakas ng sigaw at hiyaw ng mga kapwa nating mga Filipino sa Dubai upang panoorin at suportahan ang Mighty Sports. Nakatataba ng puso. Marahil ang  ibang koponan na kasali sa nasabing torneo ay nagtataka kung bakit palaging contender ang Filipinas sa larangan ng basketbol sa rehiyon ng Asya. Pati sa isang torneo na Asean Basketbal League (ABL), ang San Miguel Alab Team ay isa sa mga mabigat na koponan doon.

Pero balik tayo sa Mighty Sports. Saludo ako sa magkapatid na Alex at Cesar Wongchuking sa kanilang pagtataguyod ng nasabing korporasyon na ginaga­mit ang basketbol upang makilala ang kanilang produkto. Sa pamamagitan nito, matagum­pay nilang naiba ang imahe ng Mighty at nakilala sila bilang isa sa mga seryosong ‘ninong’ ng basketball development ng ating bansa. Mabuhay kayo.

Comments are closed.