MULING PAGPAPASABOG SA JOLO NASILAT

IED

JOLO, SULU – NAPIGILAN ng mga awtoridad ang ikalawang planong pagpapasabog ng teroristang grupo makaraang matuklasan ang mga sangkap ng paggawa ng bomba sa pantalan ng Barangay Walled City sa lalawigang ito noong Sabado ng gabi.

Natuklasan ang improvised explosive device (IED) bandang alas-6:02 ng gabi habang nagsasagawa ng pagpapatrol ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa Jolo pier sa pagitan ng Harbor Master at Maritime Police Office.

Nabatid na inupuan ng sniffing dog ng Coast guard ang kahina hinalang bagay matapos na maamoy ang sangkap sa paggawa ng bomba.

Maingat na inusisa ang nakabalot na plastic sa gilid ng pantalan kung saan narekober ang  dalawang electric blasting caps, one rifle grenade, one spark plug, at mga concrete nails.

Agad namang kinordon ng mga tauhan ng 35th Infantry Battalion ang nasabing lugar.

“I commend our troops and our partners for this accomplishment. You saved the lives of the innocent people and foiled this terroristic activity of our heartless enemies,” pahayag ni Brig. Gen. William Gonzales, JTF Sulu Commander. MHAR BASCO

Comments are closed.