(Muling tiniyak ng DOLE) TULONG SA PINOY WORKERS NA APEKTADO NG POGO BAN

IGINIIT ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakahanda itong tulungan ang mga Filipino worker na nagtatrabaho sa legal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs na maaaring magsara bago matapos ang taon.

Ayon kay Laguesma, may 54 legal POGO hubs ang lumipat sa Internet Gaming Licensees (IGLs) sa bansa.

“Wala pang nagsasara doon sa mga legal…Kahapon pa nakahanda na. Just to be very clear, ang mga programa ay naririyan, ipo-focus lang po,” aniya.

Sa datos ng DOLE ay tinatayang nasa 40,000 Filipino workers ang maaapektuhan ng ban sa POGOs. Sa naturang bilang, sinabi ni Laguesma na 70% o kabuuang 26,996 workers ang na-profile na — mas mababa sa 30,000 empleyado na naunang iniulat ng ahensiya sa pagdinig ng Senado sa kanilang 2025 proposed national budget.

“Estimated ‘yun kaya kinakailangan namin mag-validate, mag-profile, bumaba directly sa mga kompanya para madtermine namin kung ‘yan na talaga ang bilang ng mga matatamaan,” paliwanag ng kalihim.

“Meron kasing mga kompanya na hindi nagsa-submit ng listahan kaya pinuntahan na sila para ipaliwanag sa kanila why we are requesting so appropriate interventions can be provided,” ani Laguesma.

Target ng DOLE na tapusin ang profiling ngayong buwan, na naglalayong masuri ang kasanayan ng mga empleyado, kanilang sahod at job descriptions. Malalaman din dito kung ang mga manggagawa ay kailangang sumailalim sa upskilling, retraining, at training sa ilalim ng under Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Samantala, magsasagawa ang DOLE ng job fair para sa displaced Filipino POGO workers sa October 1.

“We have scheduled a special jobs fair for them on the first week of October para matingnan anong klase ng interventions ang dapat nilang matanggap sa DOLE. It could be employment facilitation, and direct referral to agencies,” sabi ni Laguesma. “We would also complement with possible upskilling, and retooling”.

Inanunsiyo ni Presidente Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang ikatlong State of the Nation Address ang pagbabawal sa lahat ng POGOs sa bansa.