MULTA, KULONG SA EMPLOYERS NA MAY AGE DISCRIMINATION

AGE DISCRIMINATION

PINAALALAHANAN kahapon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na hindi nila dapat gawing batayan ang edad ng isang aplikante sa pagtanggap dito sa inaaplayang trabaho.

Babala ni DOLE- Policy and Program Development Division chief, Nicanor Bon, ito’y ilegal at may katapat na kaukulang parusa, alinsunod sa Republic Act 10911 o Anti-Age Discrimination in Employment Act.

Ayon kay Bon, ang dapat na gawing basehan ng mga employer sa pagkuha ng manggagawa ay ang abilidad, kakayahan, kaalaman at kuwalipikasyon ng isang aplikante para sa trabahong pinapasukan nito.

Alinsunod umano sa RA 10911, ang mga employer na guilty sa anti-age discrimination act ay maaaring maparusahan ng multang nasa P50,000 hanggang P500,000 o pagkakakulong ng tatlong buwan hanggang dalawang taon, batay sa desisyon ng hukuman.

Tiniyak naman ng DOLE na handa silang magpaabot ng tulong sa mga aplikanteng nakaranas ng age discrimination, gaya ng pagturo kung paano magsampa ng reklamo sa piskal.

Sa kabila naman nito, nilinaw ni Bon na may mga eksepsiyon na itinatakda ang batas hinggil dito, gaya na lamang ng mga trabahong hindi na maaaring kayanin ng mga matatanda tulad ng pagi­ging hinete, minero at iba pang mabibigat na trabaho.      ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.