MULTA SA ‘DI REHISTRADO ANG TOP BOX, SADDLE BAG, PINAG-AARALAN NG LTO PABABAIN

PINAG-AARALAN ng Land Transportation Office (LTO) na pababain ang halaga ng multa sa mga nagmamay-ari ng motorsiklo na mahuhuling hindi rehistrado ang kanilang top box at saddle bag.

Kasunod ito ng utos ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na pagsuspindi sa paninita at panghuhuli sa mga naka-motorsiklo na may top box at saddle bag na maaaring hindi rehistrado o hindi nakasunod sa pamantayang pangkaligtasan na itinakda ng LTO.

Layon ng suspensyon na mairepaso o muling pinag-aaralan ang Memorandum ng LTO nuong Marso 2016 na may pamagat na “Guidelines on Inspection and Apprehension Relative to Motorcycle Top Boxes and Saddle Bags.”

Sa gitna ito ng mga reklamo ng ilang mga nahuhuling motor rider na mayrpong top box at saddle bag na hindi rehistrado, customized o hindi pasado sa pamantayan ng Department of Trade and Industry (DTI) at LTO sa P5,000 multa sa paglabag.

“The issue of hefty fines is one of the aspects of the March 2016 memorandum that is under review. Rest assured that we will do our best to come up with fines that are more affordable and practical and keep it attuned to the times,”ani Assistant Secretary Guadiz.

Kasabay nito ay patuloy na hinihikayat ng LTO ang mga motorcycle rider na iparehistro ang top box at saddle bag ng kanilang motorsiklo upang matiyak na nakasusunod ito sa pamantayan pa­ra sa pansariling ka­lig­tasan at ng publiko. BENEDICT ABAYGAR, JR.