INIHAYAG ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang plano na taasan ang ipapataw na multa o parusa sa mga jaywalker o ‘yung mga tumatawid sa hindi tamang tawiran.
Ang nasabing panukala ay kasunod ng nangyaring aksidente sa Southbound Lane EDSA Guadalupe Footbridge nitong Linggo ng gabi.
Nasagasaan nang humaharurot na motor ang isang babae habang naglalakad sa kalsada.
Dahil dito, sinabi ni DILG Secretary Benjamin Abalos, Jr. na dapat taasan ang multa ng jaywalking lalo na sa kahabaan ng EDSA at C5.
“Pati ‘yung nananahimik na nagmo-motor hindi nya akalain na may ganun tsaka nakita nyo ilang beses muntikan siya derederetso pa rin, well I do hope upuan kaagad ito specifically EDSA and C5, napakadelekado po talaga,” pahayag ni Sec. Benjamin Abalos Jr., DILG.
Para naman kay MMDA Chairman Romando Artes na pabor ito na taasan ang multa para sa mga lalabag ng jaywalking.
Nilinaw ng MMDA chairman na ang pagtataas ng multa ay isang paraan upang madisiplina ang mga Pilipino.
“Dito po sa atin sa Kamaynilaan ‘pag nagtaas ka ng penalty, sasabihin sa’yo ninenegosyo mo ‘yung traffic violation hindi po iniisip na kaya tayo magtataas ng penalty o mag-impose ng mas mataas na penalty ay para disiplinahin ang ating mga kababayan,” pahayag ni Romando Artes, Chairman, MMDA.
Noong taong 2022, umabot sa mahigit 3 libong pedestrian ang nabangga kung saan nasa mahigit 120 ang namatay.
Sa kasalukuyan may multa na P500 o community service ang sinumang mahuhuling tumatawid sa maling lugar partikular sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. EVELYN GARCIA