PLANONG pagmultahin ng kompanyang Grab o pansamantalang hindi makagamit ng food delivery service na GrabFood ang mga pasaway na kostumer na ‘di nagpapakita sa mga rider na kumukuha ng kanilang order.
Napagdesisyunan ito ng hail riding company matapos mag-viral ang ilang insidente ng pag-aabono ng mga rider sa order ng mga kostumer na hindi nagpaparamdam kahit na na-order na ang kanilang pagkain.
“We are looking into it at least man lang na user time out or some corresponding monetary penalties,” pahayag ni Nicka Hosaka, tagapagsalita ng Grab Philippines.
Umani ng libo-libong likes at shares sa social media ang larawan ng GrabFood rider na si Jann Ashley Gabad kung saan nag-ambagan silang magkakasamang GrabFood rider sa dalawang 14” pizza sa halagang P590 na inorder sa kanilang kasamahan.
Sa isang online message, sinabi ni Gabad, na hindi na ito nai-deliver dahil mali umano ang ibinigay na address at natuklasang invalid pa ang contact number.
Isa pang GrabFood rider ang nakaranas na dedmahin din ng kostumer na umorder ng dalawang milk tea sa mahigit P200.
Pagdating sa lugar ng GrabFood rider ay hindi na nagpakita ang umorder at hindi na rin matawagan ang kanyang number.
Nilinaw naman ng Grab na maari lamang ma-cancel lang ang order sa loob ng limang minuto habang papunta pa lang ang rider na kukuha ng order.
Awtomatikong disabled na ang cancel button kapag nasabi ng rider na nakapag-order na siya.
May 15 minuto naman ang nakalaang oras na paghihintay ng rider sa kumpirmasyon ng umorder.
Kapag hindi na tuluyang nagparamdam o nagpakita ang umorder ay maaari nang dalhin ng rider ang nabiling pagkain sa Grab office at i-reimburse nang buo ang nagastos.
Plano na rin ng Grab na maglagay ng mga food hub sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila para hindi na kailangang pumunta ng mga rider sa Makati para makapagpa-reimburse.
Isusulong na rin ang cashless transaction kung saan maaaring credit card o online payment ang puwedeng gamitin ng kostumer sa mga oordering pagkain.
Comments are closed.