NAKAAMBA pa na madagdagan ang sisingiling multa ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa Xiamen Airlines bunsod ng idinulot na perwisyo ng sumadsad na eroplano nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ginawang imbestigasyon ng House Committee on Transportation, sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal na umaabot pa lamang sa P33 milyon ang nakukuwenta na puwedeng masingil sa Xiamen Airlines.
Pumalag naman dito si Committee on Transportation Vice Chairman Edgar Mary Sarmiento at 1CARE Partylist Rep. Carlos Roman Uybarreta dahil masyadong maliit ang halagang ito kumpara sa halos isang trilyong piso na ikinalugi ng bansa dahil sa sumadsad na eroplano.
Hindi anila sapat ang P33 milyon na multa sa lawak ng perwisyo na ginawa ng Xiamen Airlines sa bansa.
Sa kabilang banda, nakahanda naman si Monreal na taasan ang halaga ng multa sa Xiamen kung mabibigyan sila ng awtorisasyon na ipataw rito ang iba pang bahagi ng economic loss.
Inirekomenda na rin ni Monreal ang pagrebisa sa Air Passenger Bill of Rights upang mas mabigyan ng proteksiyon ang mga pasahero lalo na sa kahalintulad na insidente sa Xiamen Airlines.
Iminungkahi rin ni Monreal na panahon na para magtayo ng bagong airport na may dalawang runways.
Pero sinabi nito na sa kasalukuyang lokasyon ng NAIA, malabo na makapagdagdag pa rito ng runway.
Ayon naman kay DOTr Usec. Manuel Tamayo, isa sa tinitingnan nilang pagtatayuan ng airport ay ang proposal sa Bulacan, ang Sangley Point sa Cavite at improvement ng Clark Airport. CONDE BATAC
Comments are closed.